Wednesday, March 14, 2012

AFP muling nanawagan sa mga rebelde na isuko ang armas at mamuhay na ng mapayapa


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 14 (PIA) – “The best way to win war is through peace,” ito ang mariing pahayag ni Armed Forces Chief of Staff Lt. Gen. Dellosa sa kanyang mensahe kaugnay ng pagbigay parangal at pagkilala sa kanya ng buong komunidad at pamahalaan ng Sorsogon noong Lunes.

Ayon kay Dellosa, karamihan sa kanyang naging destino ay sa mga lugar na may labanan at personal niyang nakita ang mapait at masamang bunga ng gyera. Sa katunayan, maging siya mismo ay dalawang ulit ding nabiktima ng gyera. Nakita din niya kung paanong nasugatan at namatay ang kanyang mga tauhan at kung papaanong nasaktan at lumuha ang kanilang mga pamilya dahilan sa gyera, maging ang naging epekto nito sa mga walang malay na sibilyan lalo na sa mga bata.

Panahon na umano upang bigyan ng pagkakataong maghari ang kapayapaan nang walang nasasakripisyong buhay at walang dumadanak na dugo. Aniya, pinakamabisang paraan upang maipanalo ang gyera ay sa pamamagitan ng kapayapaan.

Kaugnay nito, nanawagan siya sa mga rebelde sa bundok na bumaba na, sumunod sa itinatakda ng batas at mamuhay ng payapa. Nariyan umano ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) upang bigyang pagkakataon ang mga tumiwalag sa pamahalaan at namundok na mga Pilipino na magbalik-loob na sa pamahalaan. May mga proyekto rin aniya sa ilalim ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) na tutulong sa mga rebel returnees.

Bilang Chief of Staff, nangako siyang tutulungan ang mga ito na makapagsimulang muli at mamuhay ng mapayapa. Maaasahan din aniya ng mga Sorsoganon at ng buong sambayanan na mas lalo pa nilang paiigtingin ang kampanyang pangkapayapaan ng pamahalaan, palalakasin ang rescue operation at ang kanilang kakayahan sa pagtugon sa panahon ng pangangailangan upang matulungan ng husto ang sambayanan anumang oras, saan man, lalo sa panahong may mga kalamidad at sakuna.

Dagdag din niyang bilang isang pamilya, inanyayahan niya ang mga Sorsogueno na makiisa sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa kanilang patuloy na kampanya upang mapangalagaan ang seguridad ng bansa at maiangat ang kalagayan ng bawat pamilya sa kanilang pag-unlad. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: