Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, April 3 (PIA) –Muling pinaalalahanan ng Bureau of Internal Revenue Sorsogon District Office ang publiko na hanggang sa ika-16 ng Abril, 2012 na lamang ang huling araw ng pagsusumite ng indibidwal na Income Tax Returns (ITR).
Ayon kay Asst. Revenue District Officer Eutiquio Grajo, ang pagbabayad ng buwis ay isang responsibilidad ng mga mamamayang Pilipino kung kaya’t hindi ito dapat na ipagsawalang-bahala. Maaari din umanong maharap sa legal na asunto ang sinumang mapapatunayang hindi nagsusumite ng kanyang ITR.
Sinabi din ni Grajo na gagamit ngayon ng bagong porma ng Income Tax Return ang BIR kung kaya’t patuloy ang panawagan nito sa mga taxpayer na magbayad ng kanilang buwis ng mas maaga kaysa sa itinakdang deadline upang maging pamilyar ito sa bagong porma at hindi na magbuhos pa ng mas mahabang panahon dahilan sa mga pagkakamali sa pagfill-up ng bagong porma.
Hindi rin umano sila magbibigay ng palugit para sa pagsusumite ng individual ITR, maliban na lamang umano kung magbaba ng memorandum ang BIR central office ukol sa pagpaliban nito sa itinakdang deadline.
Samantala, sinabi ni Grajo na hindi nila naabot ang itinakdang P423,444,000 na target na koleksyon noong nakaraang taon. Umabot lamang umano sa P408,075,648.42, kulang ng P15,368,361.56 o 3.6 porsyento ng aktwal na target.
Ayon pa kay Grajo, itinakda ng BIR Central Office ang Php460,360,000 na target collection ngayong taon para sa Sorsogon Revenue District Office, mas mataas umano ito ng 13 porsyento kumpara sa target collection noong nakaraang taon.
Subalit, tumaas man ito ay naghayag pa rin ng positibong reaksyon si Grajo at sinabing makakaya nilang lampas an ang target collection na ito lalo pa’t nito lamang Enero ay nakakolekta na sila ng P39,015,461.89 laban sa P35,025,000 na actual target collection nila para sa buwan ng Enero 2012. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment