Wednesday, July 18, 2012

Anim na bayan sa Sorsogon kabilang sa 2011 Top List ng BLGF


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 18 (PIA) – Anim na mga bayan sa lalawigan ng Sorsogon ang nagpakitang gilas sa larangan ng pagkolekta ng buwis noong nakaraang 2011 kung saan kinilala ito ng Regional Association of Treasurers and Assessors of Region V (REGATA V) sa isinagawa nilang Regional Conference kamakailan sa Virac, Catanduanes.

Ayon kay OIC Regional Director Florencio C. Dino II ng Bureau of Local Government and Finance (BLGF) kabilang sa mga bayang ito ay ang Matnog, Barcelona, Irosin, Castilla, Bulusan at Sta. Magdalena.

Aniya, apat na kategorya ng tax revenue collection ang kanilang isinasa-alang-alang sa pagpili ng mga Outstanding Local Government Units (LGUs), ito ay ang Real Property Tax, Business Tax, Fees and Charges at Economic Enterprise.

Sa bahagi ng Real Property Tax, nakabilang sa Top Three 3rd class municipality ang Matnog, Sorsogon mula sa 25 mga LGU sa buong rehiyon ng Bicol. Mula naman sa 18 LGU na kabilang sa 5th class municipality ay nakasama sa Top Three ang Barcelona, Sorsogon. Nakabilang din ang Barcelona sa Top Three 5th class municipality sa ilalim ng Economic Enterprise.

Sa kabuuang koleksyon ng buwis, kabilang sa nanguna ang mga sumusunod na bayan: Top Three 2nd class municipality ang Placer, Masbate; Irosin, Sorsogon; at Cawayan, Masbate; Top Three 3rd class municipality ang Matnog, Sorsogon; Pio Duran, Albay; at Castilla, Sorsogon; Top Three 4th class municipality ang Bulusan, Sorsogon; Balud at Pio V. Corpuz sa lalawigan naman ng Masbate.

Samantala, para sa 2011 Most Outstanding Local Governments, Treasurers and Assessors ng Region V, nakabilang sa listahan ng Top Five 2nd class municipality ang bayan ng Irosin, Sorsogon pagdating sa Real Property Tax sa pagsisikap na rin ni Mayor Eduardo E. Ong, Jr, Treasurer Adonis Fortes at Assessor Rosemarie F. Sayson; kabilang din ang Bulusan, Sorsogon sa 4th class municipality sa pagsisikap ni Mayor Michael G. Guysayko, Treasurer Jasmin G. Garcia at Assessor Jesus D. Gabionza; at ang Barcelona, Sorsogon sa 5th class municipality sa ilalim ng pamamahala ni Mayor Manuel L. Fortes, Jr., Treasurer Catalina G. Fulgar at Assessor Cynthia Evasco.

Ang bayan ng Barcelona ay kabilang din sa Top Five 5th class municipality sa may mataas na koleksyon sa ilalim ng Economic Enterprise. Habang ang bayan ng Matnog, Sorsogon naman sa pamumuno ni Mayor Emilio G. Ubaldo, Sr., Treasurer Virginia E. Laco at Assessor Ramon G. Gacis, Jr. ay nakabilang sa Top Five 3rd class municipality na may mataas na koleksyon ng Fees and Charges at Business Tax. Pasok din ang Sta. Magdalena, Sorsogon sa 5th class municipality pagdating sa Business Tax Collection sa pamumuno naman ni Mayor Alejandro E. Gamos at Treasurer Ryan F. Genorga.

Sa Over-all standing ng 2011 Most Outstanding Local Governments, Treasurers and Assessors ng Region V, napabilang sa Top Five ang mga bayan ng Matnog (3rd class), Bulusan (4th class) at Barcelona (5th class) na pawang nasa lalawigan ng Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: