LUNGSOD NG SORSOGON, Setyembre 4 –
Napagkasunduan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at
Energy Development Corporation (EDC) na pangalagaan at mapanatiling buhay ang
mga buhay-ilang o wildlife sa bansa sa ilalim ng temang “Adopt a Wildlife
Species” ng DENR.
Kabilang sa mga ito ay ang agila o
Philippine Eagle (PITHECOPHAGA jEFFRYI)
sa Mindanaw at Leyte; mga paniki o Large Flying Fox (PTEROPUS VAMPYRUS) at Golden Crowned Flying Fox (ACERODON JUBATUS) sa Albay at Sorsogon
sa rehiyon ng Bicol at Negros Oriental at Occidental sa Visayas; mga baboy damo
o Philippine Warty Pig, usa o Philiipine Brown Deer (CERVUS MARIANUS) at kuwago o Philippine Eagle Owl (BUBO PHILIPPENSIS PHILIPPENSIS) na
matatagpuan din sa mga probinsya ng Albay at Sorsogon.
Ayon sa president ng EDC, Richard Tantoco,
ang pangangalaga sa mga buhay-ilang ay bahagi ng kanilang Bio-Diversity Program
sa bawat project site ng EDC. Ang sitwasyon ng mga tinatawag na Flagship
Species ang siyang nagpapaliwanag sa kalagayan ng kalusugan sa tinitirhan ng mga
buhay-ilang na ito kung kaya’t marapat na magkaroon ng maaayos na operasyon ang
mga planta ng EDC na nakabase sa mga tubig.
Sa pinirmahang kasunduan ng presidente ng
EDC na si Richard Tantoco at kalihim ng DENR Ramon Paje, inihayag dito ng
kalihim ang pag-ako ng mga hakbang upang maipalaganap ang pangangalaga sa
iba’t-ibang mga uri ng buhay o biodiversity sa bansa.
Matatandaang nalikha noong Hunyo 2010 sa
pamamagitan ng DENR Administrative Order#16 ang programang “Adopt a Wildlife”
na nagbibigay oportunidad sa mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor,
Non-Government Organizations at grupo ng mga mamamayang nakikiisa sa
biodiversity conservation ng bansa upang mapigilan ang patuloy na pagkawala ng
mga hayop at pananim na malapit nang mawala sa mundo.
Ang programang ito ay pangungunahan ng
Protected Areas and Wildlife Bureau (PAWB) sa pamamagitan ng pangangalaga sa
nasabing mga hayop sa loob ng limang taon.
Sa ilalim ng kasunduan, ang EDC ang
magbibigay ng pangunahing pondo sa halagang P1.3-M para sa unang taon ng
pagpapatupad ng proyekto, magsasagawa ng detalyadong plano para sa proyekto sa
pakikipagtulungan sa PAWB at sa mga
tanggapan ng DENR sa rehiyon upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng
proyekto sa iba’t-ibang mga lugar sa bansa.
Ang DENR naman ang siyang mamamahala sa
pagbibigay permiso upang maisagawa ang mga aktibidad na may kinalaman sa
proyekto, masubaybayan at matasa ang implementasyon ng proyekto.
Ayon kay Kalihim Paje, ang proyekto ay
magtatagal sa loob ng 5 taon mula sa pagkakapirma ng kasunduan at maari pang
palawigin depende sa napagkasunduan ng bawat partido. (FBTumalad/BARecebido,
PIA Sorsogon/RMendones, DENR-RPAO)
No comments:
Post a Comment