Tuesday, September 4, 2012

Selebrasyon ng Phil. Service Month opisyal nang binuksan


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Setyembre 3 (PIA) – Naging matagumpay ang isinagawang pagbubukas ng Philipppine Civil Service Month celebration kahapon ng umaga kung saan dinaluhan ito ng lahat ng mga kawani ng pamahalaang kinabibilangan ng National Government Line Agencies (NGAs), Local Government, Government Owned and Controlled Corportions (GOCCs) at State College na ang tanggapan ay pawang naririto sa bisinidad ng lungsod.

Pinangunahan ni Msgr. Augusto Laban ang Misa ng Pasasalamat ganap na alas-syete ng umaga at agad na isinunod dito ang Pambungad na Programa kabilang na ang Pagtataas ng Watawat ng Pilipinas, Pag-awit ng Pambansang Awit, Panunumpa sa Watawat at Panunumpa ng Kawani ng Pamahalaan.

Si dating gobernador Sally A. Lee naman ang naguna sa panalangin para sa kapayapaan at panunumpang gigiya sa mga kawani ng pamahalaan upang maging tunay ding tagapagsulong ng kapayapaan habang naglilingkod sa bayan.

Nagbigay inspirasyon din sa mga kawani ang naging mensahe ni CSC Director Arpon Lucero at Gov Raul Lee na ipinaabot ni Provincial Government Legal Counsel Atty. Mark Guirindola, kung saan kapwa tinutukan nito ang pagiging isang responsableng kawani at tunay na lingkod Bayani ng pamahalaan.

Matapos ang simpleng programa ay nagkaroon ng parada ang lahat ng mga dumalo sa kahabaan ng pangunahing lansangan ng lungsod ng Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: