Tuesday, March 26, 2013

Mga awtoridad aktibo sa pagpapatupad ng mga hakbang pangkaligtasan para sa mga deboto at bakasyunista


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 26 (PIA) – Sa pagpasok ng Semana Santa, higit pang pinahigpit ng mga awtoridad sa Sorsogon ang seguridad upang mabigyang proteksyon at manatiling ligtas ang mga deboto at mga bakasyunista sa lalawigan.

Sa koordinasyon sa Land Transportation Office, Philippine National Police (PNP) at mga lokal na pamahalaan, muling ilalagay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kanilang motorist assistance team sa Dona Pepita Park sa Brgy. Bucalbucalan, Sorsogon City sa unang distrito ng Sorsogon at sa San Pedro, Irosin, Sorsogon para naman sa ikalawang distrito sa ilalim ng kanilang “Lakbay Alalay” program.

Ayon sa pamunan ng DPWH ito bilang antisipasyon sa pagdagsa ng mga motorista kaugnay ng mahabang bakasyon dahilan sa obserbasyon ng Semana Santa at mga Sorsoganong dadalo sa mga gagawing class reunion.

Nakabantay din ang mga kasapi ng PNP na nagsimula nang ipuwesto sa mga istratehikong lugar lalo na sa mga malalaking simbahan sa lalawigan upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa panahon ng pagtitika, Visita Iglesia at mga prusisyon.

Malinaw din ang paalala ng Phiippine Ports Authority (PPA) sa mga pasahero sa pantalan na maging responsible din sa personal na kaligtasan at bantayan ang kasamang mga bata at pinaalalahan ang mga pasahero na hindi tourist spot ang mga pantalan lalo pa’t maraming mga bahagi ng pantalan ang konsideradong hazard prone.

Sinimulan na din ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kanilang Oplan Lakbay Alalay noong Lunes na magtatagal hanggang sa Miyerkules habang alerto naman sila sa paggabay sa mga deboto sa Huwebes at Biyernes Santo para sa gagawing prusisyon. Magtatalaga naman sila ng mga tauhan sa mga beach resort sa ilalim ng kanilang “Oplan Baywatch”.

Samantala, nagbigay naman ng mga paalala sa publiko ang mga awtoridad nang sa gayon ay maiwasan ang mga sigalot at suliranin sa mga panahong may mga kaganapang tulad ng Semana Santa tulad halimbawa ng pagiging alerto ng mga pasahero sa kanilang mga dala-dalang bagahe, iwasan ang pagdadala ng mga mamahaling mga gamit o pagsusuot ng mga mamahaling alahas sa mga pampublikong lugar at iba pa. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: