Tuesday, April 26, 2011

Selebrasyon ng Semana Santa naging maringal at mapayapa


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, April 25 (PIA) – “Generally Peaceful.” Ito ang naging pagtatasa ng mga awtoridad dito matapos ang nagdaang selebrasyon ng Semana Santa.

Sinabi ni Sorsogon PNP provincial director PSSupt Heriberto Olitoquit na wala silang naitalang malalaking krimen o mga pangyayaring may kaugnayan sa selebrasyon ng Semana Santa sa kabila ng pagdagsa ng mga deboto at bakasyunista dito, kung kaya’t malugod niyang pinasalamatan ang mga mamamayan sa naging suporta nito sa kanilang kampanya at sa pagmamamntini ng kapayapaan, kaayusan at seguridad sa buong lalawigan.

Binati din niya ang kanyang mga tauhan dahilan sa maagap na pagpapatrulya at pagsasagawa ng kanilang tungkulin lalo na sa pagpapatupad ng check-point sa mga istratehikong lugar sa Sorsogon.

Samantala, halos ay maghapon ding naging busy ang kahabaan ng mga pangunahing lansangan dito noong Black Saturday at Easter Sunday dahilan sa kabi-kabilang mga parada at gimik ng mga paaralang nagdiwang ng kani-kanilang mga school reunions.

Punuan din ang mga beach at resorts dito na naging second venue ng mga grand reunionists.

Ayon naman sa mga obserbador, very commendable ang naging performance ng PNP, Bureau of Fire Protection, Philippine Red Cross at mga tanod na nakaantabay upang magbigay ng rescue assistance sa mga beach goer dahilan upang makapagtala ng zero incidence sa alinmang mga paliguan dito.

Subalit naging kapansin-pansin ang nagkalat na mga basura sa kalsada matapos ang prusisyon noong Biyernes Santo at maging ang mga basurang supot at sisidlan ng mga junk foods na lumulutang sa ilang mga dagat paliguan, isang indikasyon na hindi pa rin tuluyang naisasapuso ng mga mamamayan ang tamang pagtatapon ng mga basura. (PIA Sorsogon)

No comments: