Wednesday, June 22, 2011

Pagbebenta ng tuko illegal, ayon sa DENR

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 21 (PIA) – Nagbigay babala sa publiko ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) laban sa mga na illegal na bentahan ng mga tuko o Gecko kung saan pananagutin nila diumano ang sinumang mahuhuling gumagawa nito.

Ayon ay DENR Bicol Regional Executive Director Joselin Marcus Fragada, iniimbestigahan na nila diumano ang mga napapaulat na talamak na illegal na bentahan at koleksyon ng geckos o tuko.

Aniya, malinaw na nakasaad sa Republic Act 9147 o Wildlife Act na kabilang sa mga wildlife species ang tuko kung kaya’t mahigpit na ipinagbabawal ang illegal na pangongolekta, pagbibiyahe at pangangalakal ng mga kakaibang hayop na ito.

Kaugnay nito, hinikayat ni Fragada ang publiko na maging mapagsubaybay ukol dito at agad na isumbong ang mga kahina-hinalang indibidwal o grupo na maaaring sangkot sa ganitong gawain sa pinakamalapit na tanggapan ng DENR o Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa kanilang lugar.

Marami diumano ang nahihikayat na gumawa ng ganitong illegal na gawain maging sa internet dahil sa taas ng halaga ng bentahan ng tuko kung saan ginagamit ito sa mga sugal habang ayon naman sa ilan ay ginagamit ito para sa layuning medicinal.

May ilang mga unverified reports din na binibili umano ng mga Chinese at Korean nationals ang 500 grams o labimpitong pulgada ng tuko ay umaabot sa P100,000 hanggang P300,000.

Sa ilalim ng Wildlife Act of the Philippines, kinakailangang kumuha muna ng espesyal na permiso mula sa Protected Areas and Wildlife Bureau (PAWB) at DENR regional office ang sinumang mangongolekta ng mga tuko. (JB/CB/PIA Sorsogon)


No comments: