Thursday, March 1, 2012

Pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababihan opisyal na magsisimula ngayon; PGADC pangungunahan ang mga aktibidad


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 1 (PIA) – Muling pangungunahan ng Provincial Gender Advocacy and Development Council (PGADC) ang mga aktibidad na gagawin ngayong Marso kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan sa ilalim ng temang “Women Weathering Climate Change, Governance and Accountability: Everyone’s Responsibility.”
            
Ayon kay Sangguniang Panlalawigan Board Member at Committee on Women and Children Welfare Chair Rebecca DL Aquino, itatampok sa pagdiriwang ang buhay, pagkatao at kasaysayan ng mga kababaihang magbibigay ng inspirasyon sa makabagong panahon at kung papaanong nakapagbigay-ambag ito sa pag-unlad ng kanilang komunidad. Isasagawa din ang mga aktibidad na tutuon sa pagpapatupad ng mga hakbang upang mabawasan ang epektong dala ng pagbabago ng panahon.

Sa pagbubukas ng selebrasyon ngayong araw, isang misa at simpleng programa ang ginanap kaninang umaga sa Provincial Gymnasium.

Ipinakita din sa publiko ang isang video documentary presentation ng simple at mahirap na buhay ng mga kababaihan sa kanayunan subalit nakapagbigay ng malaking inspirasyon sa mga pamilya at komunidad, at kung paano silang nagsikap na mabigyang dignidad ang iba’t-ibang mukha ng mga kababaihan.

Dagdag pa ni Aquino na nakatakda rin silang magsagawa ng pagbisita sa mga istasyon ng lokal na telebisyon at radyo upang talakayin ang mga paksa ukol sa climate change, responsible parenthood at mga isyung pangkababaihan at pangkabataan. Bibisitahin din nila ang Home for the Boys kung saan naroroon ang ilang mga kabataang biktima ng mga pang-aabuso upang magsagawa ng pakikipagdayalogo at counseling sa mga ito.

May kanya-kanya din umanong mga aktibidad na gagawin tuwing Martes at Huwebes ang mga Municipal Gender Advocacy and Development Council sa mga munisipyo dito alinsunod sa napagkasunduan nilang mga plano.

Sa Marso 16, malawakang tree planting activity ang gagawin ng mga kababaihan sa bayan ng Casiguran habang nakatakda namang magsagawa ng Fun Day na tatawaging “Women Pampering Day” sa Marso 12 kung saan sa tulong ng  Technical Educational Skills and Development Authority (TESDA) ay sasanayin ang mga kababaihan at bibigyan din ito ng libreng manicure, pedicure, spa, at body massage. Isasailalim din ang mga ito sa lecture na may kaugnayan sa kalusugan, mga beauty tips at paksang may kaugnayan sa pagpapaunlad pa ng kanilang personalidad.
Pagsasanay naman na magbibigay sa mga kababaihan ng oportunidad pangkabuhayan ang ibabahagi ng Department of Trade and Industry (DTI).

Sinabi pa ni Aquino na bahagi din ng pagsusulong niya sa kapakanan ng mga kababaihan ay ang paghahain niya ng isang resolusyon sa Sangguniang Panlalawigan na magdedeklara sa ika-8 ng Marso bilang special non-working day para sa mga kababaihan sa Sorsogon.

Samantala, matatandaang naging basehang legal ng pagdiriwang ng National Women’s Day at National Women’s Month ang pagkakapasa ng sumusunod na mga batas noong panahon ni Pangulong Corazon Aquino, ang kauna-unahang babaeng naging Pangulo ng Pilipinas:

Proclamation No. 224 na nagdedeklara ng unang linggo ng Marso ng bawat taon bilang Linggo ng mga Kababaihan at ang ika-8 ng Marso bawat taon bilang Araw ng Karapatan ng mga Kababaihan at Araw ng Pang-internasyunal na Kapayapaan na nilagdaan noong unang araw ng Marso taong 1988.

Proclamation No, 227 na nagbibigay pagkakataon upang alalahanin sa buwan ng Marso ang papel ng mga kababaihan sa kasaysayan na nilagdaan noong ika-17 ng Marso, 1988.

Republic Act 6949 na nagdedeklara sa ika-8 ng Marso bawat taon bilang working special holiday na tatawaging Pambansang Araw ng mga Kababaihan na nilagdaan noong ika-10 ng Abril, 1990. (BARecebido, PIA Sorsogon)




No comments: