Tuesday, June 26, 2012

LGU-Donsol, magpapasa ng ordinansa sa pagpapatayo ng fire hydrants sa bisinidad ng bayan


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 26 (PIA) – Isa sa mga suliraning kinakaharap ng Lokal na Pamahalaan ng Donsol sa kasalukuyan ay ang kakulangan ng mga rekurso pati na rin ng mga makabagong kagamitan para sa pagtugon sa panahon ng mga kalamidad.

Isa na rito ang malayong lokasyon ng mga fire hydrant na halos ay isa hanggang dalawang kilometro ang layo mula sa tanggapan ng Bureau of Fire Protection sa Donsol na siyang nagiging balakid upang agarang maibigay nito ang maayos na serbisyo.

Ang fire hydrant ang tumatayong water source ng mga bumbero sa panahong nagkakaroon sila ng panganagilangan sa tubig lal na kung mayroong sunog.

Kaugnay nito, sinamantala ni Donsol Municipal Councilor Ingrid Buenaobra ang pagkakataon na ilatag sa konseho ng Sangguniang Bayan ng Donsol ang hinaing ng mga bumbero ukol sa paglalagay ng fire hydrant malapit sa bisinidad ng Donsol kung saan naroroon at malapit ang kanilang tanggapan.

Ang malayong kinalalagyan ng mga fire hydrants umano ang dahilan ng mabagal na pagresponde nila sa sunog katulad na lamang ng nangyaring sunog sa Brgy Punta Waling-waling.

Suhestiyon ni Konsehal Buenaobra na inayunan naman ni DonsolMmayor Jerome Alcantara na magkaroon ng lehislasyon upang mapag-ukulan ng sapat na pondo ang pagpapagawa ng mga Fire Hydrants sa mismong kabisera o sentro ng munisipalidad ng Donsol.

Pinuri naman ni SFO4 Emmanuel Rabulan, hepe ng BFP Donsol ang naturang hakbang at tiniyak nitong nakahanda silang magsilbi sa lahat nang oras sapagkat ito ang kanilang sinumpaang tungkulin sa Bayan sa kabila nang anumang balakid at mga hamong kahaharapin sa panahon ng sunog at iba pang mga kalamidad na dumating kung saan kailangan ang kanilang tulong. (BArecebido/FBTumalad, PIA Sorsogon)






No comments: