Tuesday, September 11, 2012

Iniwang pwesto ni Cong. Escudero ipagpapatuloy ni Cong. Ramos


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, September 11 (PIA) – Itinalaga ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. si Sorsogon 2nd District Congressman Deogracias B. Ramos Jr bilang legislative liaison officer ng unang distrito ng Sorsogon matapos na mabakante ito sanhi ng pagpanaw ni 1st District Congressman Salvador “Sonny” Escudero III dahilan sa sakit na cancer noong Agosto 13, 2012.

Ayon kay Belmonte, hindi dapat na masakrispisyo ang interes ng mga mamamayan ng unang distrito ng Sorsogon dahilan sa pagpanaw ng kanilang kongresista kung kaya’t nagpalabas ito ng isang special order noong Styembre 3, 2012 na nagtatalaga kay Cong. Ramos upang maipagpatuloy ang naiwang mga gawain  ni Cong. Escudero.

Bahagi din umano ng espesyal nilang gawain sa kongreso ang ipagpatuloy ang mga naiwanang programa ng pumanaw na kasamahan.

Sa pagkakatalagang ito ni Cong. Ramos, siya na ngayon ang kakatawan sa Kongreso ng dalawang distrito ng Sorsogon na may 14 na sakop na mga bayan.

Si Cong.  Ramos ang kasalukuyang vice-chair ng Committee on Natural Resources, Committee on Rural Development at Committee on Bicol Recovery and Economic Development. (BARecebido, PIA Sorsogon/BT)

No comments: