Wednesday, September 19, 2012

Tamang bilang ng benepisyaryo at datos ng mga kasapi hiniling ng Philhealth Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, September 19 (PIA) – Hiningi ng pamunuan ng Philippine Health Insurance, Inc. (Philhealth) Sorsogon ang kumpleto at tamang bilang ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na nanginginabang sa Philhealth.

Ito ang inihayag ni Sorsogon Philhealth Chief Social Insurance Officer Alfredo Jubilo kung saan sinabi niyang sa kanilang tala, nasa 2,433 ang mga benepisyaryo ng health insurance ng 4Ps sa bayan ng Juban, subalit sa naging paglalahad ni Juban Mayor Jimmy Fragata lumalabas na nasa 2,898 ang kabuuang bilang nito.

Ayon kay Jubilo, dapat na maiwasto ang ganitong pagkakaiba nang sa gayon ay maging maayos at tugma ang listahan sa databank ng Philhealth at ng mga lokal na pamahalaan.

Sinabi din ni Jubilo na isa pa sa mga nagiging suliranin nila ay ang pagkakadoble ng mga Membership Data Record o MDR ng mga kasapi ng Philhealth na madalas ay sanhi ng mga maling ispeling ng mga pangalan o di naiaayos o na-uupdate na mga record lalo yaong mga nagsipag-asawa na.

Kung kaya’t hiniling din ng opisyal na tulungan din sila ng mga Municipal Social Welfare and Development Officer at ng mga opisyal sa barangay sa pagpapaliwanag sa komunidad ng mga dapat gawin nang sa gayon ay maiwasan ang pagdami pa ng mga suliraning maaaring kaharapin lalo sa pagkuha ng mga benepisyo ng Philhealth.

Hinikayat din niya ang publiko na bumisita sa kanilang tanggapan at magtanong upang lubos na maunawaan ang mga benepisyong maaaring matamasa mula sa Philhealth at ang responsibilidad na kaakibat upang makuha nang walang antala o suliranin ang mga benepisyong ito. (BARecebido, PIA Sorsogon/HBinaya)


No comments: