Thursday, June 6, 2013

‘No Collection Policy’ mahigpit na ipinatupad sa mga pampublikong paaralan sa Sorsogon City



Ni: FB Tumalad

Lungsod ng Sorsogon, Hunyo 6 (PIA) –Matapos magpalabas ng derektiba kamakailan si Education Secretary  Armin Luistro  sa mga opisyal ng Deped sa buong bansa hinggil sa  istriktong implementasyon ng pagbabawal sa pangungulekta ng anumang halaga sa elementarya sa mga pampublikong paaralan.

Nanawagan naman ng nakalipas na araw si Sorsogon City Schools Division Superintendent Ma. Socorro De La Rosa sa lahat ng mga school heads na nasa ilalim ng kanyang nasasakupan dito sa lungsod ng Sorsogon lalo na sa mga pampublikong paaralan na sundin ang No Collection Policy sa mga mag-aaral at magulang .

Sinabi pa ni Dr. Socorro na mahigpit ang panawagan sa mga regional directors, Provincial, Municipal at City Superintendent ni Sec. Luistro na sundin ang kautusang nakapalaman sa DepEd Memorandum Order# 41 series of 2012 o ang Revised Guidelines on the Opening of Classes.

Ayon pa sa kaniya, ibinaba ang derektiba noong nakaraang taon at muli itong binuhay ngayon ng kalihim upang maibsan ang alalahanin ng mga magulang dala ng kahirapan at mabawasan ang gastusin ng mga ito lalo pa’t malaki ang gastusin sa mga gamit pa lamang ng mga mag-aaral.

Walang koleksyon sa mga mag-aaral mula kinder hanggang Grade 3 mula Hunyo 3 hanggang sa taong 2014 at wala ring koleksyon sa Grade 4 pupil hanggang Grade 6 simula Hunyo hanggang Hulyo ngayong taon.

Sakali aniyang may mga magulang na sapilitang pinagbayad ng anumang halaga para sa kontribusyon sa paaralan ay maaring magsumbong sa School Supervisor, principal o di kaya’y sa City Schools Superintendent upang mabigyan ng agarang atensyon o aksyon. (FB Tumalad,PIA Sorsogon)


No comments: