Tagalog News
SORSOGON PROVINCE – Pinulong ng Highway Patrol Group, LTO-Traffic Management Group at Sorsogon City Franchise Committee Chair ang mga nasa sektor ng transportasyon dito sa lungsod ng Sorsogon noong nakaraang Sabado.
Ang matagumpay na pulong ay pinangunahan ni City Councilor at Transport Committee chair Victorino Daria.
Ito may layuning maipakilala sa transport group ang bagong in-charge ng Sorsogon City Franchise Committee at ang pag-award ng mga bagong prangkisa sa mga kolorum na sasakyang nagiging sanhi ng malawakang trapiko sa kabisera ng lungsod at sakit ng ulo ng mga pulis trapiko.
Dumalo sa pulong ang mga kinatawan at pangulo ng mahigit sampung mga transport associations sa lungsod pati na ang mga operators ng bus at van na may byaheng Legazpi-Sorsogon at ilan ding mga kasapi ng media.
Dito ay napag-usapan ang labis na pagdami at patuloy na pagdami pa ng bilang ng mga sasakyang walang prangkisa sa lungsod partikular ang mga trimobile.
Ayon kay Mike Frayna, Sorsogon City Federated Association of Tricycle Operators and Drivers President, umaabot sa 1,700 ang bilang ng mga trysikel na legal na nagbabayad ng buwis sa lungsod, habang umaabot naman sa 400 ang bilang ng mga kolorum na traysikel na patuloy na namamasada, kung kaya’t malaki ang kanilang pasasalamat na sa ngayon ay naaksyunan na ito ng city government.
Tinalakay naman ni LTO-TMG Chief Delfin De Castro ang mga paglabag na maaaring ipataw sa mga drivers at operators ng mga pampasadang sasakyan. Kabilang na ang pagsusuot ng proper outfit at ang pagbababa o pagsasakay ng mga pasahero sa mga loading at unloading zones sa kahabaan ng national highway ng lungsod at ilan pang paglabag sa transportation at traffic rules.
Samantala sa iba pang mga kaganapan dito, epektibo naman kahapon ay mahigpit nang ipinatutupad sa mga drivers dito sa lungsod ang paglalagay ng basurahan at first aid kit sa mga pampasaherong sasakyan.
Ayon kay Daria, layunin nitong mapaigting ang solid waste management campaign ng lungsod. At dapat din aniyang bawat driver ay may mga nakahandang pangunang lunas sa kanilang mga sasakyan na maaaring magamit sa panahon ng emergency.
Umaasa si Daria na sa pamamagitan ng ginawang pulong ay nasagutan ang mga isyung may kaugnayan sa pagpapatupad ng maayos na transport procedures sa Sorsogon City. Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment