Friday, May 4, 2012

Mt. Bulusan balik na sa normal na kondisyon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 4 (PIA) – Magandang balita sa mga residenteng malapit sa Bulkang Bulusan at sa mga mahihilig umakyat sa mga bundok ang hatid ng pagkakaalis ng alert level 1 status at pagbalik sa normal na kondisyon ng nasabing bulkan.

Ayon kay Phivolcs – Bulusan Volcano Observatory Resident Volcanologist Crispulo Diolata, tuluyan nang ibinaba ng Phivolcs sa Alert Level 0 (zero) o normal level ang Mt. Bulusan mula sa dating Alert Level 1 o abnormal level nito noong ika-24 ng Abril ngayong taon.

Aniya, ibinalik na sa normal ang kondisyon ng Bulkang Bulusan dahilan sa halos ay wala nang makitang abnormalidad sa mga naging aktibidad nito matapos ang huling pagbuga ng abo nito noong ika-13 ng Mayo, 2011.

Ayon pa kay Diolata, mula nang makapagbuga ito ng abo noong nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na bumaba ang mga pagyanig nito kung saan umaabot na lamang sa dalawa ang naitala nila habang may mga araw na halos ay wala nang mga pagyanig na naganap na nangangahulugang tahimik na ang bulkan.

Maging ang ilang bahagi sa gulod ng bulkan patungong Inlagadian sa Casiguran at Mapaso sa Irosin na nagsisilbing indikasyon ng muling pagputok ng bulkan ay wala na ring nakitang mga pagbabago. 

Ngunit sa kabila ng wala na silang nakikitang mga indikasyong muling magbubuga o puputok ang bulkan, nananatili pa rin umano ang kanilang abiso sa publiko na iwasan ang pagpasok sa 4-km Permanent Danger Zone (PDZ) dahilan sa mga panganib ng biglaang pagbuga ng abo at pagbagsak ng mga bato mula sa itaas na bahagi ng bulkan.

Dagdag din ng opisyal na mag-ingat din at maging alerto yaong mga nakatira malapit sa ilog at aktibong daluyan ng tubig mula sa mga ilog dahilan sa posibilidad ng pagdaloy pa ng mga nakaimbak na lahar lalo na sa panahong nagkakaroon ng mahahabang pag-uulan.

Ayon naman sa Department of Science and Technology-Philippine Volcanology and Seismology (DOST-Phivolcs) ang bulletin na ipinalabas nila noong Abril 24, 2012 ang magsisilbing pinakahuling Bulusan Volcano bulletin na ipapalabas nila hanggang sa wala pang bagong mga kaganapang naitatala ang kanilang tanggapan ukol sa aktibidad ng Mt. Bulusan. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: