Monday, January 30, 2012

Dir. Pardo ng NGCP kinilala bilang 2011 Outstanding Filipino


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 30 (PIA) – Binati ng pamunuan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang isa sa mga Board of Directors nito na si Ginoong Jose T. Pardo dahilan sa pagkakagawad dito ng parangal bilang 2011 The Outstanding Filipino (TOFIL) ng JCI Senate Philippines at ng Insular Life Assurance Company, Limited (Ltd).

Ang parangal na TOFIL ay ibinibigay sa sinuman, lalaki man o babaeng may edad 41 pataas, at nakapagbigay ng malaking kontribusyon sa kapakanan ng bansa at ng sambayanang Pilipino.

Ang mahalagang kontribusyon ni Pardo sa larangan ng negosyo at sektor ng kalakalan ang nagsilbing basehan upang maparangalan ito bilang isa sa TOFIL para sa taong 2011.

Si Pardo ang nagpasimula sa franchising model at isa sa mga kauna-unahang nagsulong ng tinatawag na Corporate Social Responsibility.

Kasama niyang tumanggap din ng kahalintulad na parangal sina Dr. Jesus P. Estanislao para sa larangan ng pamamahala (governance), Dr. Ramon Nery para sa larangan ng pamahalaan o serbisyo publiko (government/public service), Ms. Sylvia Pendon para sa larangan ng entrepreneurship at Dr. Emerlinda Roman para sa larangan ng edukasyon (education).

Si Pardo ay dati ring naglingkod bilang Kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng Department of Finance (DoF) at humawak ng mga pangunahing posisyon sa iba’t-ibang uri ng matataas na negosyo.

Sa kasalukuyan, siya ang tumatayong Chairman ng Electronic Commerce Payment Network, Inc. (ECPay), OOCC General Construction Corp. at ng Philippine Savings Bank. Siya rin ang Director ng ZNN Radio Veritas, Bank of Commerce, San Miguel Pure Foods, Inc., JG Summit Holdings, Inc. at Bank of Commerce Investment Corporation.

Kasapi rin si Sec. Pardo sa mga sibikong organisasyon tulad ng PCCI Council of Business Leaders, ECOP Council of Business Leaders, Foundation for Crime Prevention, Assumption sa Antipolo, at De La Salle University sa Canlubang.

Ang  JCI Senate Philippines ay isang organisasyong binubuo ng mga kasapi ng piling grupo ng Junior Chamber International (JCI) na pinarangalan ng lifetime membership bilang mga JCI Senators bilang pagkilala sa kanilang mga kontribusyon sa JCI.

Ang Insular Life Assurance Co., Ltd. ay ang kauna-unahan at pinakamalaking Filipino life insurance company na nagbibigay ng general insurance, health maintenance at mga serbisyong pagkakakitaan. (NGCP News/PIA Sorsogon)


No comments: