Tuesday, January 31, 2012

Dokumentasyon ng mga programa ng pamahalaan mahalaga - SPMO


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 31 (PIA) – Binigyang-diin ni Sorsogon Provincial Management Office (SPMO) Executive Director Sally A. Lee sa lahat ng mga pinuno ng ahensya ng pamahalaan (NGA), non-government organization (NGO) at ng mga department head ng pamahalaang probinsyal (LGU) ang kahalagahan ng pagdodokumento ng mga ginagawang plano at pagdodokumento ng pagsasakatuparan ng mga planong ito.

Ayon kay Lee, ang mga dokumento ang magsisilbing gabay upang maaayos na maipatupad at maabot ang minimithing adhikain. “Ang pagdodokumento naman ng mga nagawa na ay mabisa ding gabay upang matutunan ang mga kahinaan at balakid nang sa gayon ay higit pang mapaganda ang mga susunod na programa at proyektong ipatutupad,” ayon pa sa kanya.

Sa ginawang pagpupulong ng mga pinuno ng NGA, department head ng provincial government at kinatawan ng partner NGO ng pamahalaang panlalawigan kamakailan, muling inilahad ng mga ito ang gawain ng kani-kanilang mga tanggapan at mga tampok na nagawa para sa pag-angat ng lalawigan sa taong 2011 pati na rin ang kanilang target para sa taong 2012.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni Lee ang mga ito sa kanilang suporta at mga ginawa sa nakalipas na taon na aniya’y nagbigay ng malaking ambag sa pagsisikap ng lokal na pamahalaan na maisulong ang kaunlaran ng lalawigan ng Sorsogon.

Binigyang-diin din ni Lee ang kahalagahan ng samahang pagsisikap partikular ang public-private partnership na isa sa mga adyenda ng pamahalaang nasyunal at kung papaanong ang pagkakanya-kanya ay maaaring magdulot ng negatibong epekto sa tinatawag na ‘effective governance’.

Dagdag din niya na ang pagdodokumento ng lahat ng mga plano, ginagawa at gagawin pa ng bawat ahensya at organisasyon ay mahalaga lalo sa mga pagpupulong sa nasyunal na lebel. Makakatulong umano ito upang makilala ang lalawigan at magiging daan din upang mapasalamatan ang suporta at tulong mula sa pamahalaang nasyunal at iba pang mga organisasyon.

Inihayag din niyang ang pulong ay daan para sa pagsasanib o convergence ng mga NGA, NGO at LGU upang magkaroon ng iisang daang tatahakin (roadmap) para sa kaunlaran ng mga lokal na komunidad sa Sorsogon. (PIA Sorsogon)

No comments: