Thursday, February 2, 2012

Mother-tongue based instruction ipapatupad na sa Hunyo


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 2 (PIA) –Tiniyak ni Department of Education Sorsogon City Schools Division Superintendent Dr. Virgilio Real na ipatutupad na sa darating na pasukan ang mother-tongue based instruction sa mga paaralan sa elementarya sa lungsod ng Sorsogon.

Ayon kay Real, ang mother-tongue based instruction ay gagamitin sa lahat ng mga asignatura maliban sa Ingles, subalit ang mga basic terminology ay mananatili pa rin sa Ingles. Maging sa mathematics at science ay gagamitin din ang dayalektong ginagamit sa partikular na lugar kung saan naroroon ang paaralan.

Kaugnay nito, binigyang-diin at pinayuhan niya ang mga magulang na i-enrol ang kanilang mga anak sa lugar kung saan sila talagang nakatira.

Layunin umano ng istratehiyang ito na mas mapabilis ang pagkatuto ng mga bata sa grade one hanggang grade three sa pagkilala ng mga letra, pagbasa at pag-unawa sa binasa. Ipinaliwanag din niyang sinubukan na ang ganitong sistema sa Sorsogon East Central School sa Sorsogon City at napatunayang epektibo ang gamit ng mother-tongue based instruction.

Tiniyak din ni Real sa publiko partikular sa magulang ng mga mag-aaral na handa na ang City Schools Division sa pagpapatupad ng istratehiyang ito kung saan may mga handa na silang libro, lesson plan at iba pang mga instructional material na mismong ang mga guro mula sa iba’t-ibang mga paaralan dito ang gumawa.

Nilinaw din niya na hindi asignatura o subject ang mother-tongue based instruction kundi istratehiya o paraan ng pagtuturo upang maging mas mabilis ang pagkatuto ng mga mag-aaral sa kanilang formative years. Magkaiba din umano ang pagtuturo gamit ang vernacular o isang lengwahe sa rehiyon katulad ng mga ginamit noong dekada sisenta hanggang sitenta kaysa sa mother-tongue based kung saan ang ginagamit dito ay ang dayalektong ginagamit sa partikular na lugar. Ibinigay niyang halimbawa ang Sorsogon na isa sa mga lalawigan na mayaman sa mga dayalekto,  kung saan sa lungsod lamang ng Sorsogon ay iba ang salita sa kabisera kumpara sa distrito ng Bacon.

Nakatakda rin umano silang magkaroon pa ng karagdagang pagsasanay para sa mga guro sa paggamit ng mother-tongue based instruction ngayong bakasyon.

Sinabi din ni Real na uunti-untiin nila taon-taon ang pagpapatupad nito sa tatlong grade level kung saan ngayong Hunyo ay full implementation na ang gagawin nila sa grade one, subalit hindi nila nililimitahan ang dalawa pang grade level sa paggamit ng mother-tongue based instruction sa darating na pasukan. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: