Monday, January 30, 2012

Karagdagang pasilidad pangturismo dagdag atraksyon sa Bulusan Lake


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 30 (PIA) – Tiniyak ni Bulusan Mayor Michael Guysayko na higit pa nilang pagagandahin ang ecological tourism ng Bulusan Lake.

Ito ay matapos ang isinagawang turn-over ng mga panibago at dagdag na pasilidad na maaaring magamit ng mga dumadayong turista sa Bulusan Lake kabilang na ang siyam na mga kayak at waterbike.

Mismong si Sorsogon Provincial Management Office Executive Director Sally A. Lee ang nanguna sa isinagawang turn-over ceremony noong nakaraang Huwebes kung saan inaasahang makakatulong ng malaki ang mga karagdagang kagamitan sa pangunahing atraksyong pangturismo ng ikalawang distrito ng Sorsogon --- ang Bulusan Lake.

Ayon kay Lee, isa lamang ito sa mga naipangakong suporta ng pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon sa pagsusulong ng turismo sa lalawigan. Dagdag pa niya na hindi lamang natatapos ang kanilang pagsisikap sa ganitong pagkakataon kundi patuloy umano ang kanilang pagsisikap na higit pang mapaganda ang kapaligiran ng Sorsogon at maisulong ang kaunlaran dito sa pamamagitan ng wastong paggamit ng mga likas na yaman at magagandang tanawin sa lalawigan.

Ang mga bagong kagamitan ay magiging karagdagang pasilidad sa dating nang sampung mga kayak na kasalukuyang ginagamit ng mga dumadayong turista sa lugar, mapalokal man o dayuhan. (PIA Sorsogon)




No comments: