Thursday, July 5, 2012

NFA Sorsogon namahagi ng I-Rice sa tatlong munisipyo


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 6 – Bilang bahagi ng pakikiisa sa kampanya ukol sa pagpapalaganap ng tamang nutrisyon, nagpapatuloy ang pamamahagi ng iron-fortified rice o I-Rice ng National Food Authority (NFA) Sorsogon sa iba’t-ibang mga bayan sa lalawigan.

Sa pahayag ni NFA General Manager Eliseo Caliwag, sinabi nitong nakapamahagi na sila sa kalahating kwarter ng taon ngayon ng tig-iisang-daang sako ng bigas sa mga bayan ng Irosin, Pto. Diaz at pinakahuli nito lamang Hunyo 28 sa Bulan, Sorsogon.

Magpapatuloy pa umano ito sa iba pang mga bayan sa lalawigan sa mga susunod na buwan.

Nanawagan din ang opisyal sa mga kunsumidor na huwag aalisin sa kanilang hapag-kainan ang iron-fortified rice dahilan sa sustansya at nutrisyong dala nito sa kalusugan.

Samantala, pinayuhan din niya ang mga kunsumidor na huwag mag-aksaya ng kanin sa hapag-kainan. Aniya, sa kanilang tala, umaabot sa 5,360 sako ang arawang kunsumo ng bigas ng mga Sorsoganon. (BARecebido, PIA Sorsogon/HBinaya)

No comments: