Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 3 (PIA) – Sa
pangunguna ng Provincial Council for the Protection of Children (PCPC) at ng
dalawang komitiba nito, ang Provincial Early Childhood Care and Development
Coordinating Committee (PECCDCC) at ang Sorsogon Provincial Inter-agency
Anti-Child Labor Committee and Sagip Batang Manggagawa Quick Action Team
(SPIACLC-SBMQAT), isang pagsasanay sa paralegal ukol sa Republic Act 9231 o
batas na tutuldok sa malalang uri ng sapilitang pagpapatrabaho sa mga bata kasama
na ang iba pang mga batas na may kaugnayan sa mga menor de edad at team
building activity ang gaganapin sa Hulyo 5 at 6, 2012 sa Sorsogon City.
Sa ipinadalang imbitasyon ni Sorsogon
Governor Raul R. Lee, ang PCPC at SPIACLC-SBMQAT chairman sa PIA Sorsogon
Information Center, sinabi nitong pangunahing mandato ng PCPC ang pagtugon sa
mga usaping may kaugnayan sa mga bata o menor de edad sa pamamagitan ng pagpaplano,
paggawa ng mga alituntunin o polisiya at pagbibigay ng tulong teknikal sa
pagpapatupad ng mga programa at proyekto para sa kapakanan ng mga bata.
Ang PCPC ang siyang focal inter-agency
council ng mga menor de edad sa lalawigan ng Sorsogon.
Ayon pa sa gobernador, pangunahing layunin
ng pagsasagawa ng pagsasanay ang maturuan ang mga kalahok ng kaukulang kaalaman
ukol sa mga pangunahing batas na poprotekta sa mga menor de edad at paigtingin
pa ang ispiritu ng pagtutulungan o teamwork sa loob ng konseho at ng mga
komitiba nito.
Positibo ang gobernador na aktibong makikilahok
ang 39 na mga kasapi ng PCPC ng lalawigan ng Sorsogon. (BARecebido, PIA
Sorsogon)
No comments:
Post a Comment