Thursday, July 5, 2012

PSWMB binigyang komendasyon sa Saringgaya Awards ng DENR


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 6 (PIA) – Inspirasyon ngayon ng mga kasapi ng Pprovincialn Solid Waste Management Board (PSWMB) ang espesyal na pagkilala na iginawad sa kanila ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa ginawang Saringgaya Awards ngayong taon.

Binigyan ito ng espesyal na pagkilala dahilan sa natatangi at maayos na implementasyon nito ng Republic Act 9003 o mas kilala bilang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, at sa ginagawa nitong mga hakbang upang epektibong matulungan ang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan (LGU) sa pagpapatupad ng RA 9003 at mga programang pangkapaligiran.

Ilan sa mga nagawa ng PSWMB ay ang pagtulong sa mga LGU na makabuo ng kanilang 10-yr Solid Waste Management Plan, pagpapakilala ng mga teknolohiyang makikita sa lalawigan na makakatulong sa maayos na pamamahala ng mga basura, pagsasagawa ng mga oryentasyon ukol sa Health Care Waste Management at pagsasanay sa mga pollution control officer ng mga ospital sa buong lalawigan, pagsuporta sa Southeast Asia Urban Environmental Management Application (SEA-UEMA) at sa pagpapasa ng mga Executive Order, ordinansa at resoulsyong may kaugnayan sa SWM.

Malaki rin ang naiambag ng PSWMB upang makamit ng limang mga LGU mula sa pitong kalahok sa buong rehiyon ng Bicol ang mga parangal pangkalikasan o environmental achievement award.

Samantala, ngayong araw ay isinasagawa ng PSWMB ang 2nd Quarterly Meeting nito sa Mariculture Park sa Matnog, Sorsogon kung saan tampok sa kanilang adyenda ang paglalahad ng Best Practices on Solid Waste Management ng bayan ng Matnog, paglalahad ng Health Care Waste Management ng mga Pollution Control Officer ng District at Municipal Hospital sa lalawigan, at paglalahad ng Action Plan para sa taong 2012 at implementasyon ng Solid Waste Management Program ng Department of Education (DepEd) Sorsogon Provincial Schools Division.

Ang DepEd Sorsogon Provincial Schools Division ay kinilala din ng DENR bilang Saringgaya 2012 Awardee sa kategoryang Other Government Agency, dahilan sa epektibong pagpapatupad nito ng mga programang pangkapaligiran. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: