Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, April 7 (PIA) – Hiniling ni Sorsogon Governor Raul Lee ang kooperasyon ng Sangguniang Bayan ng Donsol at ng mga awtoridad upang higit pang mapaganda at mapalago ang industriya ng turismo sa Donsol.
Sa ginawang pulong na pinangunahan ni Gov. Lee kung saan naroroon din si PNP Regional Director Gen. Cecilio Calleja, PNP Sorsogon Provincial Director Heriberto Olitoquit, Donsol PNP municipal chief Perfecto Lavinia at mga kasapi ng Sangguniang Bayan ng Donsol, sinabi ni Lee na dapat na magkaisa at suportahan ang lokal na turismo upang mas makahikayat pa ng mga dadayong turista sa lalawigan lalo pa’t sa ngayon ay talagang mataas ang bilang ng mga turistang naririto bilang antisipasyon na rin sa darating na Butanding Festival 2011 sa huling linggo ng Abril.
Ayon kay Gov. Lee mas tinutukan niya ang mga hakbang na dapat gawin upang mapaganda pa ang turismo sa Donsol sa halip na ang tungkol sa pagresolba sa kaso ng robbery hold-up noong April 5 sa isang resort doon sapagkat ibinigay-bahala na niya ito sa PNP.
Ilan sa mga rekomendasyon ni Lee SB Donsol ay ang: tipunin ang mga barangay officials, tanod, awtoridad at mga resort owners upang pag-usapan kung ano ang mga nararapat na hakbang na dapat nilang gawin base sa kani-kanilang mga pangangailangan upang matiyak ang seguridad ng mga tao sa Donsol; i-deputize na ang mga barangay tanod upang maging katuwang ng mga pulis sa pagpapanatili ng peace and order situation sa lugar; pagsusuot ng mga uniporme ng boat owners/drivers at mga Butanding Interaction Officers upang mas maging disente at para na rin sa kaukulang identification ng mga ito; at palakasin ang police intelligence at visibility sa mga lugar na dinadayo ng mga turista at mga establisimyento.
Sinabi din ni Lee na P50 million mula sa P350 loan project ng lalawigan ay ibubuhos sa tourism at infrastructure development sa Donsol. Layon din ng gobernador na magtayo ng baywalk doon na magsisilbing pasyalan pa ng mga turista.
Nanawagan din si Gov. Lee sa mga awtoridad, local officials at sa publiko na suportahan ang development ng trurismo dito sa Sorsogon.
Samantala, inatasan na rin ni PNP regional director Calleja ang mga awtoridad dito na gawin ang lahat ng kaukulang hakbang upang mapabilis ang paglutas sa kaso at tiniyak naman ni Sorsogon provincial director Olitoquit na gumagalaw na ang kanyang mga tauhan sa pagtugis sa mga suspek lalo na’t may lead na rin sila sa pagkakakilanlan ng mga ito.
Sinabi naman ni Sangguniang Bayan member at Tourism Committee chair Ronald Malillin na palalagyan pa nila ng mga street lights ang natitirang 500 meters na kahabaan ng kalye mula sa Donsol bridge hanggang sa pinakadulong resort sa Brgy. Pangpang.
Well-taken din aniya ng mga SB members ang mga iminungkahi ni Gov. Lee at handa silang tumulong at suportahan ang PNP para sa mas mabilis na ikalulutas ng robbery-hold up incident. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment