Wednesday, April 13, 2011

Local media sa Sorsogon muling nagtipon-tipon


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, April 13 (PIA) – Muling tinipon ng Philippine Information Agency Sorsogon ang mga kasapi ng local tri-media dito sa Sorsogon upang malayang mapag-usapan ang mga saloobin nito at makabuo ng mga tamang alituntunin sa pagtalakay sa mga isyung makakatulong sa pgsusulong ng lalawigan ng Sorsogon.

Sa isinagawang ‘Kapihan sa PIA’, naging mga tagapagsalita sina Mark Paras, Jr., publisher ng Sorsogon Today at Dr. Higino Ables, former UP chancellor – College of Developmental Communication at moderator naman si Information Center Manager Irma Guhit.

Labimpitong media practitioner ang dumalo sa nasabing Kapihan kung saan malayang nailabas ng mga ito ang kanilang mga saloobin, siya nang suliranin, prinsipyo at mga rekomendasyong mahalaga upang magkaroon ng tamang direksyon partikular sa pagtalakay sa mga isyung magdadala ng pag-unlad hindi lamang sa mga kasapi ng media kundi maging sa pag-unlad din ng lalawigan.

Ayon kay Paras, ang mga naroroong media ang siya nang papalit sa kanilang henerasyon kung kaya’t dapat lamang na alam nito ang mga mahahalagang sangkap sa tamang pagsusulat at pagsasaere ng mga isyung tinatalakay at balitang ipinalalabas nito.

Dapat din aniyang iwasan ang mga hindi pagkakaunawaan sapagkat nagdadala ito ng pangit na imahe sa publiko.

Ayon naman kay Ables, magandang narerepaso ang mga basic journalism techniques at sa kalaunan ay inaasahan nilang mas mapapalalim pa ito upang maihanay din ang mga local media dito bilang isa sa mga pinagpipitagang mga mamamahayag sa bansa.

Samantala, nagbigay naman ng positibong suhestyon ang mga local media at sinabing hindi dapat na magtapos sa isang araw lamang ang Kapihan. Naghayag din ang mga ito ng kagustuhang mas matutunan pa ang mga pamamaraan sa tamang pagtalakay sa mga isyung makabuluhan at magsusulong sa kaunlaran ng lalawigan. (PIA Sorsogon)

No comments: