Wednesday, April 13, 2011

Kakulangan sa coco lumber ramdam na sa Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, April 12 (PIA) – Aminado si Philippine Coconut Authority provincial manager Alejandro Olaguera na nararamdaman na ngayon ang kakulangan sa suplay ng mga coco lumber sa mga construction firms dito sa lalawigan ng Sorsogon.

Kinumpirma din ni Olaguera na nakarating na rin sa kanilang tanggapan ang mga hinaing ng mga coco lumber dealers at ng mga kontratistang nangangailangan ng mga coco lumber para sa scaffolding ng kanilang mga patrabaho.

Ayon sa mga coco lumber dealer at kontratista dito, nagsimula nilang maramdaman ito matapos ang halos ay dalawang taon simula nang ipatupad ng pamahalaan ang total ban sa pagputol, pagbyahe at pagbebenta ng mga puno ng niyog alinsunod na rin sa Republic Act 8048 na epektibong ipinatupad noong March 10, 2008.

Dahilan sa paghihigpit na ito, sinabi ng mga kontratista na talagang nalagay sa alanganin ngayon ang mga kontrata nilang gumagamit ng mga coco lumber dahilan sa wala na umano silang maapuhap na gagamitin sa kanilang patrabaho.

Ayon naman sa PCA, pinag-aaralan nila ngayon ang mga hinaing na ito maging ang posibilidad ng pag-aalis ng cocolumber ban, subalit wala umano silang ipinapangako sa mga ito dahilan sa kailangan pa ito ng masusing pag-aaral. (PIA Sorsogon)




No comments: