Tagalog News Release
Sorsogon City, April 7 (PIA) - Umabot sa 21% ang itinataas ng kabuuang bilang ng mga dayuhan at local na turistang dumayo sa lalawigan ng Sorsogon noong nakaraang taon.
Sa comparative data na ipinalabas ng Department of Tourism Region V sa taong 2009 at 2010, lumalabas na 84,354 ang mga local at foreign tourists na bumisita sa Sorsogon noong 2009 habang 101,799 naman noong nakaraang taon, mas mataas ito ng 17,445 o 21% kumpara noong 2009.
Pumapangatlo lamang ang Sorsogon sa may pinakamalaking bilang ng mga tourist arrivals kung saan nangunguna dito ang Camarines Sur na may 49,75% habang pumangalawa ang Albay na may 27%, mas mataas lamang ng 6% kumpara sa Sorsogon.
15.56% naman ang itinaas ng Camarines Norte na pumang-apat, 15% ang Catanduanes na panglima at pang-anim naman ang Masbate na bumagsak sa negative 7% ang growth rate.
Sa nasabi ring tala, makikitang bumaba ang bilang ng foreign tourist arrivals sa Sorsogon ngunit bumirit naman ng mataas ang domestic tourist arrivals.
Ang nasabing mga datos ay kinuha ng DOT mula sa iba’t-ibang mga establisimyento base sa kanilang naging akomodasyon sa mga turista.
Kabilang naman sa Bicol Tourism top 10 market ng mga bisitang dumadayo sa Bicol region ang mga sumusunod: USA, United Kingdom, South Korea, Israel, Australia, Bulgaria, Germany, Sweden, France at Canada.
Positibo pa rin ang DOT na mas dadami pa ang bilang ng mga turistang dadayo dito sa rehiyon ng Bicol ngayon at sa mga darating pang taon. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment