SORSOGON PROVINCE – Naging matagumpay ang isinagawang opening ceremony ng Kasanggayahan Festival 2009 dito noong nakaraang Sabado partikular sa naging pagdalo at pakikiisa ni National Defense Secretary Gilbert Teodoro sa selebrasyong ito ng mga Sorsoganon.
Sa naging pahayag ni Sec. Teodoro bilang panauhing pandangal, sinabi nitong napapanahon ang temang “Pangangalaga sa Kalikasan, Buhay ng Susunod na Henerasyon” lalo na’t ngayon higit kailanman dapat na mapangalagaan ang kalikasan sapagkat ramdam na ramdam na ngayon ng buong mundo ang mga epekto ng climate change.
Apat na punto ang tinutukan ng kalihi m sa kanyang pagtugon sa imbitasyon ng lokal na pamahalaan ng Sorsogon.
Una ay ang eco-tourism na siyang isinusulong ngayon ng lalawigan bilang isa sa mga potential for development nito. Aniya, sa pamamagitan nito, lalaki ang kapasidad ng Sorsogon, dadayo ang mga turista, lalago ang mga negosyo at magkakaroon ng trabaho ang mga Sorsoganon.
At dahil din aniya sa lalaki ang kita ng lalawigan, syudad at bayan dito, lalaki din ang budget nito para sa pagpapatayo ng mga imprastrukturang magagamit bilang proteksyon sa mga komunidad at matutugunan ang “build better, be better” program.
Ayon pa kay Teodoro, kung nilalayon ng Sorsogon na maging premier tourist destination, dapat na proteksyunan ang kalikasan para masustinihan ang paglago nito. Kung kaya’t binigyang-diin niya na dapat na maging maingat ang mga lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng pag-unlad sapagkat lagi nang kaakibat ng pag-unlad ay ang pagkasira din ng kalikasan at mga komunidad.
Pangalawa ay ang peace and order situation. Aniya, bilang DND Secretary, naniniwala siyang walang puwang sa demokratikong bansa na isulong ang paggamit ng armas, bagkus ay mahinahong talakayan ang kailangan upang makamit ang kanya-kanyang mga adhikain.
Nanawagan din siya sa mga humiwalay sa pamahalaan na magbaba na ng armas at tumulong upang pagandahin ang Sorsogon, gayundin sa publiko na bigyang-puwang ang mga nalihis na ito na makabalik sa kani-kanilang komunidad at makapamuhay ng payapa at tahimik.
Pangatlo ay ang pagbati at paghahayag niya ng pasasalamat dahilan sa nakikita niyang pagbuhos ng suporta at sa pagiging bukas ng local government units sa pagbabahagi ng makukuha sa kanilang festival hindi lamang sa Sorsogon kundi maging sa Kabisayaan at Mindanao bilang tulong upang makabangong muli ang mga nasalanta ng nagdaang bagyo sa Central atNnorthern Luzon.
Nanawagan din siya sa mga LGU na tapusin o rebisahin ang kani-kanilang mga Zoning at Land Use Plan bago pa man tuluyang maging ganap na maunlad ang lalawigan ng Sorsogon.
Pang-apat at panghuli ay ang paghikayat sa mga Sorsoganon na sa kabila ng pagbibigay tulong ay dapat na makapagbigay inspirasyon din ito para sa agarang pagbangong muli ng ating mga kababayan pagkatapos ng bawat kalamidad.
Kaugnay ng selebrasyon ng Kasanggayahan Festival, sinabi ni Teodoro na ang adhikaing malinaw na nasasaad sa tema ng selebrasyon ng Kasanggayahan ang isa sa mga kadahilan kung bakit suportado pa rin niya ang pagdiriwang sa kabila ng kinakaharap na krisis ng marami sa mga Pilipinong nasalanta ng bagyong “Ondoy” at “Pepeng”.
Aniya, dapat lamang na may Kasanggayahan Festival upang tayo mismo ay maramdaman ang tunay na ispiritu ng pagdamay at pagdadamayan. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon