LUNGSOD NG SORSOGON, Setyembre 5 (PIA) – Isang
insidente ng grabeng pananakot ang naitala sa isang ahente ng Phiippine Drug
Enforcement Agency (PDEA) na si IOI Arnel Estrellado kahapon.
Ayon sa ulat na ipinadala ng City Police
Station, alas sais ng umaga kahapon nang humingi sa kanila ng tulong si
Estrellado na magsagawa ng ocular inspection sa kanyang residensya matapos na
pagbabarilin ang kanyang bahay ng di nakilalang mga nakahelmet na suspek sakay
ng motorsiklo.
Nakuha ang mga basyo ng bala mula sa kalibre 45 baril na nagkalat sa kanilang
compound na hinihinalang gamit ng mga suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon, bago ang
insidente, alas dos ng madaling araw nang gisingin siya ng kanyang asawa upang
ipaalam sa kanya na nakarinig siya ng alingawngaw ng putok ng baril.
Alas singko ng umaga ay nakatanggap ng text
message si IOI Estrellado mula sa kanyang impormante na nagsasabing “sinampulan
ang bahay mo”.
Ayon kay Estrellado, hindi siya natatakot
at bahagi na rin umano ito ng kanilang trabaho at natural ang ganitong mga
pangyayari lalo pa’t higit nilang pinaigting ang kanilang kampanya laban sa
droga, at maaaring may nasasagasaan silang mga elementong apektado ang
operasyon sa droga. (BARecebido, PIA-5/Sorsogon)