Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, January 13 (PIA) – Mahigpit pa rin ang kampanya ng lokal na pamahalaan ng Sorsogon at ng mga ahensya ng pamahalaang nasyunal ukol sa sapilitang pagpapatrabaho sa mga menor de edad sa halip na mag-aral sa mga paaaralan.
Sa isang pagpupulong kamakailan dito ng mga kasapi ng Sorsogon Provincial Inter-Agency Anti-Child Labor Committee – Sagip Batang Manggagawa Quick Action Team, binigyang-diin na maliban sa mga pagsisikap ng bawat ahensya ng pamahalaan, kritikal din ang suportang ibibigay ng komunidad sa tuluyang pagsugpo sa child labor.
Pinuri din ang ginagawang hakbang ng pamahalaang nasyunal partikular ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program upang matulungan ang bawat pamilyang Pilipino na magkaroon ng kahit papaano’y dienteng uri ng pamumuhay upang mapigilan ang mga magulang na sapilitang pagtrabahuhin ang kanilang mga anak.
Ayon naman sa Department of Labor and Employment (DoLE) pinakamalalang uri ng child labor ay ang child prostitution habang ang ilan pa ay ang pagtatrabaho ng mga kabataang nasa murang edad sa agrikultura, pagsisid o pangingisda sa malalalim na karagatan at pagtatrabaho sa mga minahan.
Sa ilalim naman ng Philippine Program Against Child Labor, hangad nitong mapababa kung di man tuluyang masugpo ang insidente ng child labor sa taong 2016.
Batay sa tala ng NSO noong 2001, apat na milyong mga bata ang nasasadlak sa child labor habang nasa 2.4 milyon naman ang lantad sa mapanganib na kapaligiran. (PIA Sorsogon)