Thursday, July 22, 2010

KOMITIBANG MAGPAPAIGTING SA KAMPANYA NG ANTI-CHILD LABOR BUBUUIN

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE – Sa pagpapaigting pa ng kampanya ng pamahalaan laban sa lahat ng uri ng pang-aabuso sa mga bata, inilahad ng Department of Labor and Employment Sorsogon Field Office ang kanilang hakbang sa pagbuo ng Provincial Inter-Agency Anti-Child Labor Committee at ng Sagip Batang Manggagawa Quick Action Team.

Ayon kay DOLE Provincial Field Offier Imelda Romanillos, bagama’t hindi naman gaanong nakakalarma ang mga kaso ng child labor dito sa lalawigan ng Sorsogon kumpara sa ibang lalawigan sa bansa, dapat pa rin diumanong pigilan ng mas maaga ang posibilidad ng pagdami nito.

Binigyang-diin din niyang hindi rin dapat na ipagsawalang-bahala ang presensya ng ilang mga bata sa lansangan na makikitang nag-aalok ng iba’t-ibang uri ng serbisyo kapalit ng kaunting halaga o di kaya’y pagkain.

Sa isinagawang orientation briefing ng DOLE Sorsogon kamakailan, nilinaw ng DOLE sa mga ahensyang makakatuwang nito ang kani-kanilang papel na gagampanan bilang mga katuwang sa pagpapatupad ng anti-child labor crusade sa lalawigan.

Sinabi ni Romanillos na mahalagang nabibigyan din ng tamang edukasyon ang mga magulang nang sa gayon ay maiwasan ang posibilidad ng pag-aabuso, eksplotasyon at deskriminasyon sa mga bata.

Kabilang sa mga mahahalagang ahensyang makakatuwang ng DOLE ay ang PNP, NBI, DSWD, DOJ, DepEd, PIA, DA, DOH, PCG, Ports Authority, Traffic Administration, mga Local Government Units at non-government organizations dito.

Ipinaliwanag din ni Romanillos na ang bubuuing Inter-Agency Anti-Child Labor Committee ang siyang magtatakda ng mga prayoridad at programa, tutukoy sa mga pangangailangan at suliranin ng mga nagtatrabahong mga bata at siya ring bubuo ng mga plano at magpapatupad ng mga kaukulang hakbang upang matigil ang anumang uri ng anti-child labor practices sa lalawigan.

Habang ang Sagip Batang Manggagawa Quick Action Team ang bibigyang kapangyarihan upang magsagawa ng surveillance at buy-bust operations sa mga suspetsado. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

1ST PROVINCIAL DIRECTOR’S CUP SHOOTING COMPETITION ISINAGAWA

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE – Naging matagumpay ang ginawang shooting competition ng mga kasapi ng Philippine National Police sa buong lalawigan noong unang linggo ng Hulyo dito sa lungsod ng Sorsogon.

Ang dalawang araw na provincial director’s cup shooting competition ay ang kauna-unahang shooting competition sa Sorsogon kung saan isinagawa ito sa Firing Range ng Brgy. Buhatan, Sorsogon City sa pangunguna ni Sorsogon Police Provincial Director PSSupt. Heriberto Olitoquit.

Ayon kay Olitoquit, bahagi din aniya ito ng kanilang pagdiriwang ng Police Community Relations Month kung saan layon ng aktibidad na magkaroon ng firearms proficiency o husay sa pamamaril ang buong pwersa ng pulisya dito sa lalawigan ng Sorsogon sa pamamagitan ng isang friendly shooting competition.

Naging matagumpay ang shooting competition matapos na lahukan ito ng iba’t-ibang mga team representatives mula sa mga municipal at city police stations kasama na rin ang mga kinatawan mula sa Sorsogon Police Provincial Office.

Tinanghal naman bilang best shooter sa kategorya ng mga opisyal si SPPO admin officer Police Senior Inspector Honesto A. Garon.

Sa kategorya ng mga kababaihan ay nanguna naman si PO2 Emilia Domino ng Pilar Municipal Police Station habang si PO2 Ali Ferolino ng Barcelona Municipal Police Station naman ang sa kategorya ng mga kalalakihan.

Sa pagtatapos ng kompetisyon, binigyang-diin ni PD Olitoquit ang kahalagahan ng pagiging sharp shooter at mabilisang pagtarget ng mga pulis lalo na kung nahaharap sila sa mga enkwentro.

Pinuri naman ng mga pulis ang hakbang na ito ng SPPO dahilan sa anila’y nabibigyan din sila ng pagkakataong tasain ang kanilang mga kakayahan lalo na sa paggamit ng kanilang mga baril. (PIA Sorsogon/ may ulat mula sa SPPO)

2010 NATIONAL LITERACY AWARDS VALIDATION COMMITTEE BUMISITA SA SORSOGON CITY

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE – Nitong nakaraang lingo ay dumating ang mga hurado ng 2010 National Literacy Awards sa pangunguna ni Program Development Director Emilyn Libunao ng Philippine Information Agency na siya ring tumatayong 2010 national chair of the board of judges, at Dr. Norma Salcedo, secretariat head ng Literacy Coordinating Council upang i-asses at i-evaluate ang Literacy Program ng lungsod o mas kilala dito bilang Linang Dunong Program.

Ang lungsod ng Sorsogon ay isa sa limang lungsod sa buong bansa na mapalad na nakapasok sa 2010 National Literacy Awards Outstanding LGU – component city category.

Partikular na tinutukan ng mga hurado sa kanilang on-site validation ang Computer Van Aralan, Bacon Community Learning Center, Kiddie Toy Center and Library, Bibincahan Nursery, Maharlika Development Cooperative, Sa Aton Ini, Water Treatment Facility, Office of the Senior Citizen Affairs Office, Sorsogon City Teen Center at ang Pangpang Community Learning Center na siyang itinataguyod ng Literacy Program ng lungsod.

Sa ginawang validation, tatlong criteria ang tinutukan ng mga hurado na kinabilangan ng project planning and development (15 percent), project management and implementation (40 percent), at impact of the project (45 percent).

Ang limang lungsod na naglalaban-laban ngayon para sa 2010 National Literacy Awards ay ang Tagum City sa Davao Del Norte, Malaybalay City sa Bukidnon, Balanga City sa Bataan, Cadiz sa Negros Occidental at ito ngang Sorsogon City dito sa lalawigan ng Sorsogon.

Sa muling pagkakabilang ng Sorsogon City bilang isa sa limang mga lungsod sa buong bansa na pasok sa 2010 National Literacy Awards, naniniwala si Sorsogon City Mayor Leovic R. Dioneda na manalo o matalo ay magbubunga ito ng higit na maayos at malawak na paglinang ng kaaalaman para sa mga taga-lungsod.

Ayon pa kay Dioneda, layon ng kanyang administrasyon sa pamamagitan ng literacy program na ito ng lungsod na kahit man lang isa sa mga maralitang kasapi ng pamilya ay makatapos ng kanilang pag-aaral. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

B-MEG BICOL DONATES BARRICADES BEARING COAST GUARD ADVISORY TO CGS SORSOGON

News Release

SORSOGON CITY - On 13 July 2010, BMEG Bicol headed by Mr Randy Suarez, Territory Sales Manager officially turned over to LTJG JOSE RONNIE T ONG JR, Station Commander, CGS Sorsogon, six (6) units of barricades bearing COAST GUARD ADVISORY which displays policies on Overloading, Wearing of Lifejackets and Movement of Vessels during Heavy Weather. The barricades are custom built purposely as information, education campaign (IEC) material to promote maritime safety by increasing the level of sea travel safety awareness of the ships crew and riding public and further, avert any sea tragedy.

Consequently, through coordination with Philippine Ports Authority, the barricades were strategically positioned in conspicuous area of Matnog, Bulan and Pilar ports where passengers and vehicles regularly pass. In addition, one distinct feature of said barricades is the reflectorized material employed in its fabrication thus making it very visible day and night suitable in the ports of Sorsogon operating 24/7.

This endeavor materialized through the guidance of COMMO ELSON E HERMOGINO PCG, Commander, Coast Guard District Bicol, initiative of CGS Sorsogon and the generosity of BMEG Corporation. (LTJG JOSE RONNIE T. ONG JR. CGS Sorsogon)

BARRICADES BEARING COAST GUARD ADVISORY IN THREE MAJOR PORTS, PROVINCE OF SORSOGON