Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 30 (PIA) –
Inaabangan na ng mga Sorsoganon ang pagpasok ng buwan ng Disyembre ngayong taon
dahilan sa magkahiwalay na mga aktibidad na inihanda ng pamahalaang lokal ng
lungsod at ng pamahalaang lalawigan ng Sorsogon.
Isang buwang “Paskonswelo sa Kapitolyo” ang pangungunahan ng pamahalaang
lalawigan ng Sorsogon na sisimulan sa Disyembre a-uno hanggang Disyembre 30, 2012
habang ang “Sosogon Festival” naman ng pamahalaang lungsod ng Sorsogon ay
gagawin mula ika-8 ng Disyembre hanggang ika-16 ng Disyembre 2012.
Ang Sosogon Festival ay ipinagdiriwang sa
buwan ng Disyembre bilang pasasalamat ng lungsod sa mga biyayang natanggap sa
buong taon at bilang paggunita na rin sa pagkakatatag ng Sorsogon City noong
ika-16 ng Disyembre 2000.
Ang Sosogon ay salitang Sorsoganon na ang
ibig sabihin ay tahakin o baybayin ang daanan patungo sa pupuntahang lugar.
Ayon kay City Mayor Leovic Dioneda, naka-iskedyul
man ang grand opening ng Sosogon Festival sa Disyembre 12 kung saan bubuksan
din ang Sosogon Expo 2012 tampok ang mga produktong agrikultural ng lungsod, mayroon
pa rin silang inihandang pre-festival activities simula Disyembre a-uno.
Ilang mga sikat na personalidad din ang
inaasahang darating sa lungsod. Sa Disyembre 16 gaganapin ang culminating
activity sabay sa unang araw ng Misa de Aguinaldo. Matapos ito ay magkakaroon
ng salo-salo ang mga nagsipagdalo sa misa. Sa hapon ay gaganapin naman ang
Street Dance at Dance Ritual Competition.
Tema ng Sosogon Festival ang “Tangkilikin,
Produktong Tatak Kalikasan”.
Samantala, nakalinya din ang iba’t-ibang
mga patimpalak sa gagawing “Paskonswelo sa Kapitolyo” kung saan ayon kay
Sorsogon Governor Raul R. Lee nais niyang bigyan ng ibayong kasiyahan ang mga
Sorsoganon kasabay ng pagpapalago pa ng mga natatanging talento at kapabilidad
ng mga ito.
Ang mga patimpalak ay sa larangan ng isport
kasama ang mga bading, indigenous games, kantahan, display ng mga Christmas
Lantern, yuletide quiz bee, Search for Sta. Clause look and dress-alike, Inter-municipal
at Rural Health Unit Christmas Tree Contest, Paskonswelo de Tawa at marami pang
iba.
Maliban sa patimpalak ay may iba pang mga
aktibidad tulad ng “Salud Mo, Sagot Ko”, Carabao Ride at the Park, Nightly
Shows, Job’s Fair, Bingo Bonanza, “Rapasko feat Repablikan” Concert,
Pacman-Marquez Fight Free Showing at iba pa na tiyak na magbibigay saya sa
publiko.
Magtatapos ang “Paskonswelo sa Kapitolyo”
sa pamamagitan ng Fireworks Grand New Year’s Concert with Countdown alas-dyes
ng gabi sa Disyembre 31 bago tuluyang mamaalam ang taong 2012 at pumasok ang taong2013.
Ayon sa mga punong-abala ng dalawang
aktibidad, tiniyak nilang gawing makulay at masaya ang mga aktibidad upang dayuhin
ito ng mga Sorsoganon partikular ng mga taga-lungsod at ng mga bibisita dito lalo
pa’t nataon ito sa panahong ipinagdiriwang ang pasko. (BARecebido, PIA Sorsogon)