Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 23 (PIA) –
Nakikiisa ang mga lokal na media dito kaugnay ng paggunita ng ikatlong taong
anibersaryo ng Maguindanao Massacre kung saan hindi bababa sa 57 katao ang
pinatay kasama ang hindi rin bababa sa 32 na mga mamamahayag mula sa
iba’t-ibang mga istasyon ng media.
Ngayong umaga ay sabay-sabay na naririnig
sa mga istasyon ng radyo sa Sorsogon ang talakayan ukol sa pinakahuling
kaganapan kaugnay ng paglilitis sa kaso at iba pang mga isyu ukol sa malayang
pamamahayag.
Ayon kay Bobby Labalan, presidente ng
National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), alas-kwatro ng hapon
mamaya ay magkakaroon ng programa sa Capitol Park na susundan ng Multi-sectoral
Torch Parade mula at pabalik sa Capitol ground.
Magtatapos ang aktibidad sa pamamagitan ng
pagsisindi ng mga kandila sa kaparehong lugar.
Ang Maguindanao massacre na tinawag ding
Ampatuan Massacre, hango sa isang lugar sa lalawigan ng Maguindanao kung saan
naganap ang kakila-kilabot na pagpaslang ay naganap noong ika-23 ng Nobyembre
taong 2009.
Matatandaang habang binabaybay ng mga
biktima ang daan patungo sa tanggapan ng Comelec upang magsumite ng Certificate
of Candidacy para kay Esmael Mangudadatu, bise alkalde ng bayan ng Buluan, ay
kinidnap ang mga ito at brutal na pinagpapaslang.
Kabilang sa mga napaslang ay ang asawa ng
Mangudadatu at kanyang dalawang kapatid na babae, mga mamamahayag, abogado,
alalay at ilang motoristang napagkamalang kasama sa convoy. Politika ang
dahilan ng madugong pangyayari.
Ang nasabing krimeng naganap ay tinawag ng
Committee to protect Journalists (CPJ) bilang nag-iisang karumal-dumal na
pangyayari sa kasaysayan ng mga mamamahayag simula noong 1992 kung saan
sinimulan nila ang pagtatago ng mga rekord ng pinapatay na mga mamamahayag kung
kayat ibinilang ng CPJ ang Pilipinas bilang pumapangalawa sa Israel sa pinakamapanganib
na bansa para sa mga mamamahayag. (BARecebido, PIA Sorsogon)