Thursday, November 22, 2012

Lupang Hinirang Kit ipamamahagi sa Sorsogon



Ni: Bennie A. Recebido

(Foto search Stock Image; RF Royalty Free)
LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 22 (PIA) – Namahagi ngayon ng Lupang Hinirang Kit ang Dr. Salvador H. Escudero III Foundation sa pangunguna ng maybahay ng yumaong 1st district congressman ng Sorsogon Hon. Salvador “Sonny” H. Escudero III na si Nanay Evie Escudero.

Alas-nueve ng umaga kanina naganap ang turn-over ceremony ng mga Lupang Hinirang Kit para sa mga paaralan sa lungsod ng Sorsogon. Ang turn-over ceremony ay ginanap sa DepEd Multi-purpose Hall sa Brgy. Cabid-an, Sorsogon City kung saan tinanggap ang nasabing mga kit ni City Schools Division Superintendent Socorro V. Dela Rosa.

Mamayang hapon ay igagawad naman ang kahalintulad na kit sa Rotary Club of Metro Sorsogon (RCMS) sa Bacon East Central School, Bacon District, Sorsogon City kung saan tatanggapin ito ni RCMS president Dr. Dennis Donor.

Ang nasabing Lupang Hinirang kit ay naglalaman ng CD ng tamang awit at tugtog ng Lupang Hinirang na orihinal na komposisyon ni Julian Felipe, kopya ng Republic Act 8491 o mas kilala bilang Flag and Heraldic Code of the Philippines, kopya ng Basic Values Manual at Philippine Flag.

Matatandaang ang namayapang si Congressman Sonny Escudero ay isang masugid na tagapagsulong ng tamang pag-awit ng Lupang Hinirang at siya ring may akda ng National Flag Law.

Alinsunod sa itinatakda ng section 37 ng RA 8491, ang pag-awit ng pambansang awit, pinatutugtog man o kinakanta, ay dapat na naaayon sa pagkakaayos at komposisyon ni Julian Felipe.

Habang ang section 20 naman nito ay nagsasaad na ang seremonya sa pagtataas ng watawat ng pilipinas sa mga opisyal o sibikong pagtitipon ay dapat na simple at may paggalang, at dapat na patugtugin o kantahin sa orihinal na lirikong Filipino at pamartsang ritmo.

Nakassad din sa RA 8491 na ang sinumang lalabag dito ay maaaring patawan ng penalidad na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P20,000 o pagkakakulong ng hindi lalagpas sa isang taon. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: