Thursday, December 22, 2011

Mga tanggapan ng pamahalaan nagbigay babala sa publiko ukol sa paggamit ng mga paputok


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 22 (PIA) – Nagkakaisa ang mga ahensya ng pamahalaan dito sa pag-abiso sa publiko ukol sa dapat gawing mga pag-iingat kaugnay ng paggamit ng mga paputok ngayong pasko at bagong taon.

Babala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sorsogon Provincial Office alinsunod na rin sa panawagan ni DENR Bicol Regional Executive Director Joselin Marcus Fragada at DENR Secretary Ramon Paje na dapat na mag-ingat ang publiko sa mga naiipong alikabok mula sa mga paputok na sumasabay sa hangin sapagkat napakamapanganib nito sa kalusugan.

Naglalaman din umano ang mga paputok ng sulfur, uling at iba pang mga materyal na nakabubuo ng greenhouse gases kapag nakahalo na ito sa hangin. Kung kaya’t dapat na maiwasang malanghap ito ng mga taong may asthma, bronchitis, laryngitis, pneumonia, rhinitis, at sinusitis.

Suportado din ng DENR Sorsogon Provincial Office ang panawagang dapat na magtalaga ang bawat lokal na pamahalaan ng isang lugar na pagdadausan ng pagpapaputok sa darating na pasko at bagong taon.

Mahigpit din ang kampanya ng Department of Health at ng Provincial Health Office kaugnay ng inilunsad na programang Aksyon: Paputok Injury Reduction (APIR) upang mabawasan ang bilang ng nabibiktima ng mga malalakas na paputok. Umaasa ang ahensya na maiiwasan at mababawasan ang pagkalagas ng buhay ng tao at bilang ng mga nasusugatan lalong-lalo na ang mga kabataan na may edad mula sampu pataas.

Sa tala ng DOH umabot ng 200 porsyento ang itinaas ng bilang ng mga naputukan noong taong 2010 kumapara noong taong 2009. Sa kampanyang APIR, higit pang palalakasin ng ahensya ang pagpapaalala sa mamamayan tungkol sa dapat at hindi dapat gawin sa pagsalubong ng pasko at bagong taon.

Maging ang Philippine National Police at Bureau of Fire Protection ay mahigpit din ang payo sa publiko na pag-ibayuhin ang pag-iingat laban sa mga paputok lalo’t kadalasang naitatala ang mga disgrasya at malalaking sunog sa panahong nagdiriwang ng bagong taon.

Paalala din ng BFP sa publiko na huwag gumamit ng mga malalakas at ipinagbabawal na paputok sa pagsalubong sa bagong taon upang maiwasan ang disgrasya at pagkawala ng buhay bagkus ay salubungin na lamang ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga bagay na hindi mapaminsala.

Sa bayan ng Bulan, mahigpit na ipinag-utos ni Senior Fire Officer IV Tomas Dio sa kanyang mga tauhan na pag-ibayuhin ang inspeksyon sa mga tindahan ng paputok upang matiyak na walang magbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok.

Dagdag pa ng opisyal na magsasagawa din ang Bulan Fire Station ng Fire Truck Visibility kung saan mag-iikot ang mga bumbero sa kabayanan at mga kalapit na barangay upang patuloy na mapaalalahanan ang publiko ukol sa kampanya sa iwas-paputok. (PIA Sorsogon)

Mga mapagsamantalang negosyante hindi palulusutin ng DTI


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 22 (PIA) – Tiniyak ng pamunuan ng Department of Trade and Industry (DTI) Sorsogon Provincial Office sa publiko na hindi nila papayagang makalusot ang mapagsamantalang mga negosyante ngayong pasko at bagong taon.

Ito ang inihayag ni DTI Consumer Welfare Desk Officer Evelyn Paguio matapos na magsagawa ang kanilang ahensya ng regular na pagsubaybay sa sitwasyon ng halaga ng mga bilihin ngayong panahon ng pasko at nalalapit na bagong taon.

Aniya, hindi sila mag-aatubiling sampahan ng kaso ang sinumang mapapatunayan nilang nagsasamantala sa mga panahong tulad nito kung saan mataas ang pangangailangan ng mga mamimili.

Muli din niyang pinayuhan ang mga mamimili na maging mapanuri sa pagbili ng mga produkto at tiyaking iisa lang ang makikita nilang price tag ng produkto, dapat din aniyang kung ano ang nakalagay sa price tag ay iyon din ang  halagang babayaran nila at dapat ding nakapaloob na sa babayaran ang Value Added Tax (VAT) sa presyo ng produktong binili.

Paliwanag pa niya na dapat na maging maingat ang mga mamimili sa pagpili ng mga produkto at tiyaking de kalidad at hindi ito makakasama sa kanilang kalusugan. At upang makatiyak umano na magandang uri ang produktong mabibili ay hanapin ang Import Commodity Clearance (ICC) sticker sa produkto bilang katiyakan o garantiya na nainspeksyon at pumasa ito sa quality standard test bago ibebenta sa mga pamilihan. (PIA Sorsogon)

Wednesday, December 21, 2011

Mga bagong patakaran sa Repormang Agraryo alinsunod sa pagpapatupad ng RA 9700 inilahad


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 21 (PIA) – Inihayag ni Provincial Agrarian Reform Officer (PARO) II Roseller R. Olayres na nakasaad sa Republic Act No. 9700 na ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa pakikipagtulungan sa mga Provincial Agrarian Reform Communities (PARC) ang siyang magpaplano at magmumungkahi para sa pinal na pagpapatitulo at pamamahagi ng lahat ng mga natitira pang mga lupaing agrikultural hanggang sa ika-30 ng Hunyo, 2014.

Ito umano ang dahilan kung bakit nagpalabas ng bagong direktiba ang DAR na siyang magsisilbing gabay ng mga tauhang teknikal nito upang maipatupad ang RA 9700 partikular na may mga mahihigpit nang prosesong dapat sundin sa  pagpili ng mga magmamay-ari at sa pamamahagi ng mga lupain sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Kaugnay ng pagbabagong ito, sinabi ni PARO Olayres na nagsagawa sila kamakailan ng tatlong araw na seminar-workshop para sa mga tauhang teknikal ng Department of Agrarian Reform (DAR) kung saan tinalakay ng mga kinatawan ng DAR Regional Office Bicol ang mga bagong direktiba upang mas epektibong maipatupad ang batas sa reporma sa lupa.

Tinaguriang “Casacading of New Issuances on Agrarian Reform”, dinaluhan ang aktibidad ni Provincial Agrarian Reform Officer (PARO) II Roseller R. Olayres; labingdalawang mga Municipal Agrarian Reform Officer (MARO) mula sa iba’t-ibang mga field office ng DAR Sorsogon; Provincial Agrarian Reform Adjudicator (PARAD); mga tauhan ng Operation Division at Provincial Monitoring and Evaluation Unit ng DAR Sorsogon Provincial Office.

Ilan sa mga mahahalagang pagbabagong ito ay ang mga sumusunod:

·         Kung ang nagmamay-ari ng lupaing isasailalim sa CARP ay nasa Pilipinas, personal nang ipapadala sa kanya ang Notice of Coverage (NOC) at hindi na tulad ng dati na ipinapadala lamang sa pamamagitan ng registered mail.

·         Kahit pa may protesta o kaso sa korte ang lupa, magpapatuloy pa rin ang pagpoproseso ng Claim Folder (CF) ng nagmamay-ari ng lupa hanggang sa pag-isyu ng land valuation, maliban na lamang kung may ibinigay na kautusan ang korte na itigil ang pagpoproseso.

·         Isa sa mga rekisitos na kailangan ng magsasaka upang maging Agrarian Reform Beneficiary (ARB) ay ang panunumpa sa harapan ng isang huwes na may kakayahan siya at nais niyang sakahin ang lupa at gawing produktibo ito.

·         Sa isyu naman ng Retention, ang nagmamay-ari ng lupa ay binibigyan na ngayon ng dalawang pagpipilian kung nais niyang piliin ang retention area o isuko ang kanyang karapatan para sa retention.

Ayon kay Marciana Olondriz, OIC MARO of Casiguran, Sorsogon, mas nahirapan sila ngayon sa bagong prosesong ito, subalit naniniwala silang higit na magiging epektibo ito dahil maiiwasan ng kanilang mga technical personnel ang anumang pagkakamali. (AJArbolente, DAR/BAR, PIA Sorsogon)

Cascading of New Issuances on Agrarian Reform
to DAR Sorsogon technical personnel

BDS susi sa pagkamit ng kapayapaan at kaunlaran sa bayan ng Castilla


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 21 (PIA) – Ipinagmamalaki ngayon ng bayan ng Castilla, Sorsogon ang isa sa mga susi sa pagkamit ng kapayapaan at kaunlaran sa kanilang lugar – ang Barangay Defense System (BDS).

Sa isang press conference na pinangunahan ni Municipal mayor Olivia M. Bermillo kaugnay ng ginawang BDS Peace Caravan Fair sa tatlumpu’t-apat na mga barangay sa Castilla, ibinahagi ng alkalde sa mga kasapi ng tri-media mula sa lalawigan ng Sorsogon at Albay na nakakamit na nila ngayon ang kaayusan at kapayapaan sa barangay dahilan sa pagkakatatag ng BDS sa tulong na rin ng Philippine Army at ng buong komunidad.

Ang BDS ay bahagi umano ng kanilang kumprehensibong plano kaugnay ng mga inisyatibong pangkapayapaan at pangkaunlaran sa kanilang bayan kung saan sa sistemang ito ay mismong ang mga kasapi ng barangay ang nagbabantay sa  kanilang komunidad sa pamamagitan ng pagkakaisa, pag-iwas sa paggamit ng dahas at armas at pagtulung-tulungan para sa pag-unlad ng kanilang komunidad.

Ang BDS sa Castilla ay mayroon na ring pederasyon kung saan may sibilyang nakaupo dito bilang presidente ng samahan na boluntaryong nagbibigay serbisyo. Nagpasa narin ang Sangguniang Bayan ng ordinansang maglalaan ng pondo taon-taon para sa pagpapatupad ng BDS upang mas mapatatag pa at masustinihan ito at may hiwalay na pondo na ring itinalaga ang pamahalaang bayan ng Castilla para sa programang pangkabuhayan ng mga kasapi ng BDS.

Buo naman ang suportang ibinibigay ng 903rd Infantry Brigade ng Philippine Army sa pangunguna ni brigade Commander Col. Felix Castro at ng Philippine National Police Sorsogon Provincial Office sa pangunguna ni PSSupt John CA Jambora sa mga inisyatibong pangkapayapaan ng Castilla. Ayon sa mga ito, katuwang ng BDS ang PNP at militar sa pagsanay sa mga kasapi ng BDS upang maging mga tagapanguna sa pagsusulong ng kapayapaan sa kani-kanilang mga komunidad.

Ibinahagi naman ni Reynaldo Marchan, Executive Secretary ni Mayor Bermillo at Sangguniang Bayan Secretary ng Castilla ang pagbabago ng pananaw ng mga mag-aaral ng San isidro Elementary School, ang pilot School of Peace ng Bicol Consortium on Peace Education and Development (BCPED) ukol sa konsepto ng isurhensiya at pagkaroon ng kapayapaan na nagbunga ng magandang pagbabago sa pag-uugali ng mga ito.

Hiniling naman ni Bermillo sa tri-media na ipaabot sa publiko mapayapa at tahimik na ang bayan ng Castilla ngayon at tinitiyak nilang hindi na sila basta-basta mapapasok ng sinumang nais maghasik ng karahasan, kaguluhan at takot sa kanilang lugar. (PIA Sorsogon)