Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 13 (PIA) –
Nagtitipon-tipon kahapon sa isang pagpupulong ang mga kinatawan ng 13
munisipalidad at isang lungsod ng Sorsogon upang pag-usapan ang estado ng pagbubuo
ng Integrated Coastal Management (ICM) Plan at ang proseso ng epektibong
pagpapatupad nito.
Ayon sa ulat ng mga Municipal Environment
and Natural Resources Officer (MENRO) at Municipal Agricultural Officer (MAO),
nasa updating process pa rin sila at lumalabas na kailangang makapagsagawa ng Participatory
Community Resource Assessment (PCRA) upang epektibong makuha ang mga kailangang
datos sa paggawa ng Municipal Integrated Coastal Management Plan.
Tanging ang bayan ng Sta. Magdalena pa
lamang ang nakakausad sa paggawa ng kanilang Municipal ICM.
Ayon kay DILG Provinvial Director Ruben
Baldeo, mahalagang mabuo na ang Provincial ICM Plan sapagkat mahalagang datos
ito para sa economic profile ng lalawigan.
Ang pagbubuo ng Municipal at Provincial ICM
Plan ay bahagi ng pagpapatupad ng Executive Order No 533 o ang pag-adopt ng ICM
bilang pambansang istratehiya upang matiyak ang sustenableng pagsulong at
pag-unlad ng mga kostales at karagatan at mga yaman nito. Kasama din dito ang
pagbubuo ng mga mekanismong susuporta sa pagpapatupad nito.
Bunsod nito ay bumuo ang pamahalaang lalawigan
ng Sorsogon sa pamamagitan ng tanggapan ni Gov. Raul R. Lee ng Integrated
Coastal Management Council, Agosto noong nakaraang taon.
Naging pagkakataon din ang ginawang
pagpupulong kahapon upang mabuo ang komposisyon ng magiging secretariat ng ICM Council
na kinabibilangan ng Provincial ENRO bilang head secretariat at ng Department
od Interior and Local Government (DILG), Department of Environment and Natural
Resources (DENR), Philippine Information Agency (PIA) at Provincial Planning
and Development Office (PPDO) bilang mga kasapi.
Sinabi naman ni presiding officer PENRO-LGU
Department Head Engr. Maribeth Fruto na kung maisagawa na PCRA, mas magiging
madali na rin ang paggawa ng coastal at marine profiling ng Sorsogon. (BARecebido,
PIA Sorsogon)