Wednesday, February 13, 2013

Pagbuo ng Provincial ICM Plan nasa proseso na


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 13 (PIA) – Nagtitipon-tipon kahapon sa isang pagpupulong ang mga kinatawan ng 13 munisipalidad at isang lungsod ng Sorsogon upang pag-usapan ang estado ng pagbubuo ng Integrated Coastal Management (ICM) Plan at ang proseso ng epektibong pagpapatupad nito.

Ayon sa ulat ng mga Municipal Environment and Natural Resources Officer (MENRO) at Municipal Agricultural Officer (MAO), nasa updating process pa rin sila at lumalabas na kailangang makapagsagawa ng Participatory Community Resource Assessment (PCRA) upang epektibong makuha ang mga kailangang datos sa paggawa ng Municipal Integrated Coastal Management Plan.

Tanging ang bayan ng Sta. Magdalena pa lamang ang nakakausad sa paggawa ng kanilang Municipal ICM.

Ayon kay DILG Provinvial Director Ruben Baldeo, mahalagang mabuo na ang Provincial ICM Plan sapagkat mahalagang datos ito para sa economic profile ng lalawigan.

Ang pagbubuo ng Municipal at Provincial ICM Plan ay bahagi ng pagpapatupad ng Executive Order No 533 o ang pag-adopt ng ICM bilang pambansang istratehiya upang matiyak ang sustenableng pagsulong at pag-unlad ng mga kostales at karagatan at mga yaman nito. Kasama din dito ang pagbubuo ng mga mekanismong susuporta sa pagpapatupad nito.

Bunsod nito ay bumuo ang pamahalaang lalawigan ng Sorsogon sa pamamagitan ng tanggapan ni Gov. Raul R. Lee ng Integrated Coastal Management Council, Agosto noong nakaraang taon.

Naging pagkakataon din ang ginawang pagpupulong kahapon upang mabuo ang komposisyon ng magiging secretariat ng ICM Council na kinabibilangan ng Provincial ENRO bilang head secretariat at ng Department od Interior and Local Government (DILG), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Information Agency (PIA) at Provincial Planning and Development Office (PPDO) bilang mga kasapi.

Sinabi naman ni presiding officer PENRO-LGU Department Head Engr. Maribeth Fruto na kung maisagawa na PCRA, mas magiging madali na rin ang paggawa ng coastal at marine profiling ng Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: