Tagalog News Release
Sorsogon City, March 11, (PIA) - Isang vehicular accident ang naganap kanina, bandang alas dose y medya ng madaling araw sa Brgy. Pawa sa bayan ng Matnog, Sorsogon kung saan sangkot dito ang PP Bus Line at Eagle Star Bus.
Sa inisyal na ulat na ipinaabot ni Matnog PNP Chief PSInsp Jeffrey Cereno, nag-overtake ang Eagle Star Bus galing ng Maynila sa isang Philtranco Bus nang aksidenteng mabangga nito ang PP Bus na papalabas ng Matnog, Sorsogon.
Sa inisyal na ulat na ipinaabot ni Matnog PNP Chief PSInsp Jeffrey Cereno, nag-overtake ang Eagle Star Bus galing ng Maynila sa isang Philtranco Bus nang aksidenteng mabangga nito ang PP Bus na papalabas ng Matnog, Sorsogon.
Ayon pa kay Cereno, umiwas ang PP Bus kung kaya’t ang katawan nito ang natamaan na nagresulta sa pagkamatay ng apat katao sa mismong lugar ng pinagyarihan at pagkakasugat ng mahigit-kumulang sa tatlumpong katao.
Ang Eagle Star Bus na may plakang UVJ 273 ay minamaneho ni Rolito Calungsod ng Silago, Leyte habang ang PP Bus na may plakang PYP687 ay minamaneho naman ni Ronnie Sulutan Olaman, Jr.
Karamihan diumano sa mga biktima ay mga taga-Leyte at inaalam pa ng mga awtoridad kung may taga-Sorsogon na namatay.
“Sa ngayon, masusing imbestigasyon ang aming ginagawa upang makuha ang kumpletong detalye bago namin tuluyang ipalabas ang pinal na mga mga pangalan ng biktima,” pahayag pa ni Cereno.
Ang ilan sa mga sugatan ay dinala sa Bico Regional Teaching and training Hospital (BRTTH) sa Albay, habang ang iba pa ay dinala naman sa Sorsogon Provincial Hospital.
Samantala, sa record naman ng Sorsogon Provincial Hospital, sa labinlimang mga sugatang isinugod sa kanila, dalawa pa ang kinumpirma nilang Dead on Arrival sa kanilang ospital bandang ala-una ng umaga kanina. Ito ay maliban pa sa apat na namatay sa mismong lugar na pinagyarihan ng insidente, kung kaya’t sa kabuuan ay anim na ang patay sanhi ng vehicular accident na ito.
Pito dito ang dinala na kagabi pa sa BRTTH habang ang natitira pa ay patuloy pa ring ginagamot hanggang sa kasalukuyan. (PIA Sorsogon)