Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Agosto 19 (PIA) – Opisyal nang binuksan ngayong araw ang 2011 Kapisanan ng mga Broadcaster sa Pilipinas (KBP) Broadcasters’ Olympics na higit pang magpapatatag sa samahan ng mga broadcast media sa Sorsogon.
Ayon kay KBP Sorsogon Chapter president Andy Espinar, sa ilang linggong pagpapraktis ng apat na team na binubuo ng blue, maroon, yellow at orange ay nasubukan na ang katatagan ng samahan ng mga broadcaster dahilan sa buong suportang ipinakita ng mga kasapi nito.
Alas otso ng umaga kanina nang buksan ang aktibidad sa pamamagitan ng banal na misa na sinundan ng motorcade at simpleng opening program.
Tampok sa pagbubukas ang makulay na Cheer Dance Competition kung saan aktibo ang partisipasyon at kakaibang mga talento at kapasidad ang ipapakita ng mga kasapi nito.
Kabilang sa mga lalaruin ng apat na team ang basketball, volleyball, 100-meter dash, relay, dart, badminton, bowling, chess, scrabble at iba pa.
Suportado din ng mga halal na lingkod bayan ng Sorsogon ang nasabing brodacasters’ Olympics na magtatagal hanggang sa linggo, Agosto 21. (PIA Sorsogon)