LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 11 (PIA) – Pangungunahan
ng Sorsogon City Veterinary Office ang gagawing Class AA Slaughter House Orientation
at Dry Run sa operasyon ng pinakabagong katayan ng mga hayop dito sa lungsod ng
Sorsogon.
Ayon kay City Veterinary Office Technician
at Media Affairs in-charge Arwil P. Liwanag, ang hakbang na ito ay gagawin
upang masuri ang kapasidad ng mga kagamitan at iba pang mga pasilidad sa loob
ng slaughter house bago tuluyang buksan at maging permanente ang operasyon
nito.
Aniya, inatasan na rin ang mga magdadala ng
kakataying hayop na dalhin na ang mga ito sa bagong slaughter house mula
alas-otso kanina hanggang mamayang hapon para sa gagawing dry-run bukas. Ala-una
naman mamayang hapon gaganapin ang oryentasyon para sa mga magiging tauhan ng
slaughter house.
Si City Veterinarian Dr. Alex Destura ang
magbibigay ng pambungad na pananalita at mensaheng magbibigay inspirasyon ang
ibibigay naman ni City Mayor Leovic Dioneda.
Ilang mga personalidad mula sa National
Meat Inspection Service (NMIS) Region V ang tatalakay ng mga paksang
makakatulong upang higit na mapaganda ang operasyon ng bagong slaughter house
ng lungsod.
Tatalakayin ni OIC Regional Technical
Director Dr. Mateo P. Puatu ang Requirements
for Accreditation of Class AA Slaughter House; Flow of Operation of Class AA Slaughter House ang tatalakayin ni Senior
Meat Control Officer Dr. Alex Templonuevo at ang paksang Sanitation of Abatoir ang tatalakayin ni Regional Sanitary Engineer
William G. Sabater ng Department of Health (DOH) Bicol.
Isang kinatawan mula sa fabricator/supplier
ng slaughter house ang tatalakay sa paksang Utilization Operation of Slaughter
House Equipment and Facilities. Si OIC Slaughter House Administrator Eugene
Azas ang siya namang naatasang magbigay ng pangwakas na pananalita.
Mamayang hatinggabi hanggang bukas ng alas
sais ng umaga gagawin ang dry-run sa operasyon ng slaughter house. Libre umano
ang dry-run at walang kokolektahing anumang bayad mula sa mga magpapakatay.
Sinabi din ni Liwanang na may dalawang
slaughter house ang lungsod, isa sa Sito Mahingan, Brgy Cabid-an at isa sa Brgy
Rawis sa Distrito ng Bacon. Subalit kapag tuluyan nang nabuksan ang bagong
slaughter house ay ipapasara na ang mga ito at lahat na ng pagkakatay ay
gagawin sa bagong slaughter house.
Ang bagong Class AA Slaughter House ng
Sorsogon City sa Sitio Madan-an, Brgy. San Juan ang pinakamalaki at
pinakamodernong katayan ng hayop ngayon sa buong rehiyon ng Bicol. (BARecebido,
PIA Sorsogon)