Monday, April 12, 2010

MT. BULUSAN MOUNTAINEERING ACTIVITY TAMPOK SA PAGLULUNSAD NG MT. BULUSAN CONQUEST SPECIAL

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE – Naging matagumpay ang isinagawang paglulunsad ng Mt. Bulusan Conquest Special noong Biyernes, April 9 sa bayan ng Bulusan dito sa lalawigan ng Sorsogon.

Ang Mt. Bulusan Conquest Special ay isang aktibidad na magsusulong sa Bundok Bulusan at sa kabuuan ng Bulusan Volcano Natural park bilang isang competitive tourism product hindi lamang ng lalawigan ng Sorsogon kundi maging ng buong rehiyon ng Bikol.

Ayon kay AGAP-Bulusan President Philip Bartilet, tampok sa ginawang paglulunsad ang Mt. Bulusan Mountaineering Activity bilang major activity kung saan mahigit tatlumpung mountaineers ang nakilahok mula sa Ayala Mountaineers Club, Inc., AGAP-Bulusan, Inc. at Eco-Tourism Beneficiaries na siya ring nagsilbing guides at porters.

Sumama din ang ilang kinatawan mula sa Sangguniang Bayan for Tourism and Environment at LGU-Bulusan, Sorsogon Provincial Government, Department of Environment and Natural Resources, Provincial Environment and Natural Resources at Department of Tourism Regional Office V.

“Maliban sa opisyal na paglulunsad ng Mt. Bulusan Mountaineering bilang major ecotourism activity sa Bulusan Volcano Natural Park, sinabayan din ito ng clean-up drive at tree planting activity bilang bahagi ng pagmamantini at proteksyon ng ekolohiya ng Bulusan Natural Park,” pahayag pa ni Bartilet.

“At upang matiyak ang seguridad ng mga aakyat sa Bundok Bulusan, nagsagawa muna ng orientation program kung saan ipapaliwanag ang PRESERVE Bulusan Volcano Natural Park Conservation Program at Mountaineering Safety and Security Guidelines bago tuluyang isinagawa ang aktwal na pag-akyat,” dagdag pa niya.

Pingunahan ang Mt. Bulusan Conquest Special ng Aggrupation of Advocates for Environmental Protection o AGAP-Bulusan, Inc., isang non-government organization na siyang nagmamantini sa kaayusan, kalinisan at proteksyon ng Bulusan Volcano Natural Park.

Positibo ang AGAP-Bulusan na sa pamamagitan nito ay higit pang makikilala ang Mt. Bulusan at ang Bulusan Lake na tinagurian ding “Switzerland of the Orient” dahilan sa naiibang kagandahan at ecological experience na mararanasan ng sinumang dadayo dito. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)