Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, January 27 (PIA) – Matapos ang mahaba-habang paghihintay kahapon sa pagdating ni Department of Agriculture (DA) Secretary Proceso Alcala, nasulit naman ito lalo na nang maipamahagi na ng sekretaryo ang mga tseke, iskolarship at mga kagamitang pangsaka sa mga benepisyaryo nito sa Sorsogon.
Naroroon sa ginawang forum ang mga matataas na opisyal ng lalawigan sa pangunguna ni Sorsogon Governor Raul R. Lee, mga alkalde, hepe ng ilang mga piling ahensya ng pamahalaan at mga kinatawan ng Provincial Agriculture Office.
Tinampukan ang pagbisita ng pamamahagi ng mga tseke at Agricultural Comprehensive Enhancement Fund (ACEF) sa mga aydentipikadong mga farmer beneficiaries at iba pang tulong sa pagsusulong ng agrikultura sa lalawigan sa kabuuang 200 mga benepisyaryo mula sa sektor ng magsasaka, mangingisda at mga irrigator sa ilalim ng programang “Agrikultura: Kaagapay ng Bayang Pinoy” (AKBAY) ng DA.
Ang Sorsogon ay isa sa mga napiling benepisyaryo ng AKBAY at nabigyan ng P2.09 milyong tulong sa pagpapatupad ng iba’t-ibang mga programa ng ahensyang nasa ilalim ng pagsubaybay ng DA.
Ang mga benepisyaryo ay masusing pinili at sumailalim sa balidasyon kung saan 30 magsasaka ang nakatanggap ng tulong sa pagsusulong ng abaka mula sa Fiber Development Authority (FIDA), 30 mga mangingisda mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), 40 mga cocoteros mula sa Philippine Coconut Authority (PCA), habang 100 naman mula sa National Irrigation Administration (NIA).
Sampung karagdagang benepisyaryo din ang nakatanggap ng sampung libong piso bawat isa para sa agri-business.
Ang programang AKBAY ay isa sa mga mekanismo ng pamahalaang nasyunal sa pagtugon sa kahirapan na ibinibigay sa mga aydentipikadong mga lalawigan sa pamamagitan ng tulong pangkabuhayan, trabaho at mga pagkakakitaan ng mga nasa sector ng sakahan. Layunin din nitong maitaas ang kapasidad ng mga mahihirap lalo na sa paggawa ng desisyong makakatulong sa kanilang pag-unlad.
Samantala, sa ginawa namang press conference, sinabi ni DA Secretary Alcala na dapat na mapagtuunan ng pansin ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan ang agricultural land conversion sapagkat kung hindi maagapan, isa ito sa magiging dahilan sa pagkakaroon ng kakulangan ng suplay ng pagkain sa hinaharap.
Hinikayat din ang mga Sorsoganon na patuloy na magtanim hindi lamang ng palay kundi maging ng mga niyog lalo pa’t mayaman ang lupa ng Sorsogon pagdating sa pagpapatubo at pagpapalago ng ganitong mga uri ng produktong agrikultural. (PIA Sorsogon)