LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 15 (PIA) –
Tuluyan nang naipamahagi noong Miyerkules, Hunyo 13, 2012 ang dalawampu’t
limang (25) bilang ng mga housing unit na bumuo sa siyamnapu’t limang (95) mga
kabahayan ng Gawad Kalinga sa Barangay Guinlajon, West District, Sorsogon City.
Sa pangunguna ni Sorsogon City Mayor Leovic
Dioneda, opisyal nang naipamahagi ang huling bilang ng libreng pabahay sa mga residente
ng lungsod na walang sapat na kakayahan upang makapagtayo ng sarili nilang mga
bahay.
Bago ginawa ang opisyal na pamamahagi ay
nagkaroon muna ng banal na misa, pagbasbas ng mga kabahayan at maikling
programa.
Sa mensaheng ibinigay ni Mayor Dioneda,
mariin nitong pinaalalahanan ang mga residente na pangalagaan ang ibinigay na tulong
sa kanila at mantinihin ang pagmamahalan ng bawat isa, panatilihin ang kaayusan
at kapayapaan, at palaguin ang anumang nasimulan ngayon sa tinatawag nilang
munting komunidad ng Gawad Kalinga.
Dumalo
at saksi din sa turn-over ceremony sina Association of brgy Captain (ABC)
President at Brgy.Guinlajon Chairman Jaime Lagco, Ticol Brgy Chairman Rolando Jaso, City Councilor Charo
Dichoso, Senen Malaya ng Department of Trade and Industry (DTI) Sorsogon at
iba pa.
Nagbigay
din ng testimonya ang mga benepisyaryo ng GK Housing project kung saan isinalaysay
ng mga ito ang kalagayan nila noon at ikinumpara sa tuwa at kapayapaan ng loob
na nararamdaman nila ngayong napabilang sila sa benipisyaryo ng Gawad kaling at
may matatawag nang sarili nilang tahanan.
Matatandaang
una nang itinayo ang GK Housing Project sa Guinlajon bago natapos ang termino
ni dating Sorsogon City Mayor Sally A. Lee noong 2004 at ang lupang pinagtayuan
ng mga kabahayan ay donasyon ni Mrs. Milagros Duana, ang isa sa mga tinaguriang
business tycoon ng Sorsogon. (BARecebido/FBTumalad, PIA Sorsogon)