Thursday, February 11, 2010

Tagalog News Release

OLD-AGE MEMBERS MAAARI PA RING MANGINABANG SA BENEPISYO NG PHILHEALTH

SORSOGON PROVINCE (February 11) – Maaari pa ring matamasa ng mga old-age members ng Philhealth ang mga benepisyong ibinibigay nito tulad ng inpatient care benefits, outpatient coverage at special packages.

Sa IEC materials na ipinalabas ng Philhealth partikular ang flyer ukol sa Philhealth Benefits para sa Lifetime Members, nakasaad doon na sa retirement years ng myembro, kaagapay pa rin nito ang Philhealth sa pagbibigay ng proteksyong pinansyal na kakailanganin nito sa pagmamantini ng kanyang kalusugan, sa abroad man o dito sa Pilipinas.

Ang isang old-age member na nakatugon sa mga pangunahing rekisitos bilang isang lifetime member ay covered na ng Philhealth habangbuhay at wala nang babayaran pang premium contributions para sa kanilang health insurance coverage.

Ang mga konsideradong lifetime mebers ay yaong umabot na sa edad na animnapu, maging ito man ay nanilbihan sa pribado o pampublikong tanggapan o individually paying members at nakapagbayad ng hindi bababa sa 120 months contribution sa Philhealth kasama na ang mga naihulog noong medicare pa ito.

Covered din nito ang mga SSS permanent total disability at survivorship pensioners bago ang March 4, 1995.

Sa Philhealth coverage ng isang lifetime member, kasama ring manginginabang ang mga sumusunod na kapamilya nang walang dagdag na premium: legal na asawa na hindi kasapi ng Philhealth, mga anak na may kapansanang pisikal o sa pag-iisip, at mga magulang kasama na ang step at adoptive parents na may gulang na animnapung taon pataas na rin at hindi rin kasapi ng Philhealth.

Upang ma-avail ng retiree ang lifetime membership ay kinakailangang magsumite ito ng certified true copies ng mga sumusunod na dokumento: Duly accomplished M1c o member data record for non-paying members na makukuha sa alinmang tanggapan ng Philhealth, dalawang kopya ng pinakabagong 1”x1’ ID picture, birth certificate, o kung walang birth certificate ay dalawa sa alinman sa mga sumusunod: baptismal certificate, marriage certificate, voters ID at iba pang mga tatanggaping dokumento ng pagkakakilanlan ng retirado.

Kinakailangan ding magsumite ito ng retirement documents. Kung GSIS pensioner ay magsumite ng alinman sa mga ito: letter of approval o retirement certification mula sa GSIS, duly signed certification o retirement gratuity mula sa GSIS o sa employer kasama ang total creditable service on retirement date, o di kaya’y duly signed service record o statement of services.

Kung SSS pensioner naman ay magsumite ng alinman sa mga ito: SSS claims information print-out regarding death/disability/retirement o DDR kung saan makikita ang petsa ng retirement, SSS contribution print-out o di kaya’y retiree pensioner certification mula sa SSS kung saan makikita ang effectivity date ng retirement.

Maari ding bumisita o makipag-ugnayan ang mga retirado o sinumang mga kaanak nito sa tanggapan ng Philhealth na malapit sa kanila sakaling may mga nais silang linawin ukol sa lifetime membership. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

Wednesday, February 10, 2010

Tagalog News Release

PARTYLIST CARAVAN ISINAGAWA, PNP CHECK-POINT MAS HINIGPITAN

SORSOGON PROVINCE (February 10) – Nagsagawa ng isang caravan ang mga partylist groups dito sa Sorsogon kahapon na nilahukan ng Bayan Muna, Anak-pawis, Gabriela, Act Teachers at Kabataan na nagsimula sa capitol grounds.

Ayon sa Makabayan coalition, ang caravan ay bahagi ng pagsisimula ng unang araw ng national campaign period.

Ang national campaign period ay itinalaga ng Comelec mula February 9 at magtatagal hanggang sa ika-walo ng Mayo kung saan maaari nang mangampanya ang mga kandidatong nagnanais maupo sa alinmang national positions mula pagkapangulo, pangalawang pangulo, senador at mga kongresista. Kasama rin sa maaari nang mangampanya ay ang mga partylist groups.

Mula capitol grounds ay tinahak ng mga ito ang daan patutungo sa ilang mga lugar sa lungsod upang doon magsagawa ng maiikling programa upang sa muli ay maipaunawa sa mga botante ang kanilang mga adhikain at plataporma.

Matapos ang pagbubukas ng unang araw ng national campaign period ay nagsimula na ring magkalat ang mga campaign posters at iba pang campaign paraphernalia ng mga tumatakbong kandidato sa national positions dito sa lungsod ng Sorsogon at maging sa ilang mga bayan sa lalawigan.

Kaugnay nito, muling inabisuhan ng Commission on Elections sa pamamagitan ni Sorsogon Provincial Election Supervisor Atty. Calixto Aquino ang mga kandidato at mga political leaders nito na sumunod sa mga itinakdang lugar na dapat lamang paglagyan ng campaign materials upang walang malalabag na Comelec rules na maaaring pag-ugatan ng pagkakadisqualify ng mga kandidato.

Dagdag din ni Aquino na nakatuon ang kanilang tanggapan ngayon sa pag-iikot sa mga barangay para sa kanilang votre’s education campaign.

Sinabi rin nitong walang dapat na ipag-alala ang mga botante lalo na sa mga barangay dahilan sa wala naman itong ibang gagawin kundi piliin ang kanilang mga kursunadang kandidato at kulayan lamang ang bilog na nasa tabi ng pangalan ng napili nilang kandidato.

Wala din aniyang gagawing hands-on operation sa PCOS machine ang mga botante kung kaya’t wala itong dapat na ikatakot o ikabahala.

Muli namang ginanyak ni Aquino ang mga mamamayan para sa malawakang partisipasyon sa darating na halalan sa Mayo dyes.

Samantala, mas pinaigting pa ng Philippine National Police ang kanilang check-point kaugnay ng pagbubukas ng national campaign period kahapon.

Sinabi ni Sorsogon Police Provincial Director SSupt. Heriberto Olitoquit na sa panahong sinimulan nila ang pagpapatupad ng Comelec check-point at gun ban hanggang sa pagbubukas ng national campaign period kahapon, ay wala silang naitatalang anumang untoward incidence kung kaya’t inihayag nitong hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling mapayapa ang lalawigan ng Sorsogon.

Kaugnay nito pinasalamatan niya ang kanyang mga tauhan sa maayos na pagpapatupad nito ng kanilang tungkulin pati na rin ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan na katuwang nila dito at maging ang mga mamamayan dahilan sa pakiisa nito upang maging matagumpay ang kanilang kampanya.(Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

Tuesday, February 9, 2010

PIA photos

PIA Photos

PIA Photos

News Release

BULAN CAMPUS NG SORSOGON STATE COLLEGE NAGPATUPAD NG AUTOMATED ENROLMENT

SORSOGON PROVINCE (Feb 8) – Mas magiging madali at mabilis na ang enrolment sa Sorsogon State College – Bulan Campus sa darating na pasukan sa Hunyo.

Ito ang naging pagtitiyak ni SSC President Antonio Fuentes matapos na mapagdesisyunan nilang tuluyan nang ipatupad ang automated enrolment system sa Bulan campus.

Ayon kay Fuentes, una na nilang sinubukan ang sistemang ito nito lamang nakaraang semester kung saan napatunayan nilang epektibo ito sapagkat hindi na nahirapan pa ang mga mag-aaral na pumila at maghintay bago pa tuluyang makapag-enrol.

Ang bago at modernong paraan ng enrolment na ito ay dinesinyo nina Santiago Santiago at Mark Anthony Dipad sa tulong ni Eddie Boy Gracilla, pawang mga Information Technology o IT instructors ng Bulan campus.

Sinabi ni Fuentes na ang Automated Enrollment System (AES) na ito ang kauna-unahang modyul ng SSC Bulan campus automation program kung saan binubuo ito ng iba’t-ibang mga modules o program operation functions.

Kabilang sa mga modules na ginagamit mula sa pagpapalista hanggang sa pagbayad ay ang mga sumusunod: Admission Module, Advising Module at Cashiering Module.

Mayroon din itong Timetable Module kung saan makikita ang impormasyon ukol sa classroom pati na rin ang Teacher’s Program at ang kanilang Class Program.

Kasama din sa sistema ang Lecturer Module na naglalaman ng mga grade sheets at ang Registrar Module na naglalaman naman ng official transcript of records, official receipts at request forms na kakailanganin ng mga mag-aaral.

Inihayag din ni Fuentes na sa panahon ng enrolment, pitong set ng computer unit ang ikinakabit gamit ang local area network sa mga tanggapan ng Registrar, Cashier, Accounting at pati na rin sa tanggapan ng Assessment Section.

Sinabi pa ni Fuentes na sa kasalukuyan ay isinasa-alang-alang na rin nila ang paggamit ng automated enrollment system sa Sorsogon City campus.

Nais kasi aniya ng mga program developers at tagapangasiwa ng SSC na maipatupad ang full automation system sa lahat ng mga kampus ng Sorsogon State College sa darating na 2011.

Ang SSC ay may apat na mga campus na kinabibilangan ng Magallanes, Bulan, Castilla at Sorsogon City campus. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

News Release

DFA AT CFO NANAWAGAN SA PUBLIKONG MAGING MAG-INGAT SA PAGBIBYAHE SA ABROAD

SORSOGON PROVINCE (Feb 8) – Pasaporte at Visa… ito ang dalawa sa pinakamalahagang kakailanganin ng isang nagnanais magbyahe sa ibang bansa.

Ito ang paalala ng Department of Foreign Affairs sa pamamagitan ng mga kinatawan ng Commission on Filipinos Overseas sabay din ang paalalang mag-ingat sa pagbyahe sa abroad.

Ayon kay Cindy San Pedro mahalagang alam ng bawat Pilipinong maglalakbay sa ibang bansa ang mga mahahalagang dokumentong kailangan niya tulad ng mga identification cards, medical examination record, tiket sa eroplano , address ng tirahan sa bansang patutunguhan, pasaporte at visa.

Ang pasaporte ay isang opisyal na dokumentong nagpapatunay ng pagiging mamamayan ng isang partikular na bansa at nagpapahintulot upang makapaglakbay at makapasok sa ibang bansa ang isang tao. Ginagarantiyahan din nito ang pagbabalik ng isang tao sa kanyang sariling bansa.

Mahalagang proteksyon din ang pasaporte bilang mamamayang Pilipino habang siya ay nasa ibang bansa.

Ang visa naman ay isang dokumentong panlakbay na nagpapatunay na maaaring makapasok ang isang tao sa isang banyagang bansa at pinahihintulutan itong mamalagi doon sa loob ng itinakdang panahong nakasaad sa kanyang visa.

Sinabi ni San Pedro na ang bagong pasaporte na ngayon ng Pilipinas ay kulay maroon, subalit maaari pa rin aniyang gamitin ang berdeng pasaporte kung hindi pa ito napapaso o expired.

Matatandaang mula Hulyo 2007, ang pasaporte ng Pilipinas ay Machine Readable Passport na. Kulay maroon at hindi berde ang kulay nito.

Ang machine readable passport ay naglalaman ng mga kabuuang datos na tanging makina lamang ang makakabasa.

Sa pamamagitan ng machine readable passport ay napapadali ang pagcheck ng pasaporte sa port of entry, nadadagdagan ang kredibilidad ng pasaporte at mas nabibigyang seguridad ang pagkakakilanlan ng isang tao.

Samantala, tiniyak ni San Pedro sa publiko na nakahandang umagapay ang DFA at ang tanggapan ng Commission on Filipinos Overseas sa mga Pilipinong nagnanais manirahan o lumabas ng bansa.

Ipinagbigay-alam din niya sa publiko na sakaling may mga suliraning kinakaharap ang mga kakilala o kamag-anak nito sa abroad ay maaaring mag-email sa info@cfo.gov.ph upang matulungan ang mga ito.

Nanawagan din siya sa mga nais mag-abroad na maging pamilyar sa mga batas tulad ng Republic Act 6955 o ang anti-mail to order bride, Philippine Passport Act at ang Republic Act 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act upang hindi basta-basta maloloko o maaabuso.

Idinagdag na rin niyang maaari nang makatulong ang CFOs sa paghahanap sa mga nawawalang bata sa pamamagitan ng National Science Research Institute sa University of the Philippines, Diliman.

Ang Commission on Filipinos Overseas ang isa sa mga ahensyang nagkaroon ng malaking ambag sa pagkakapasa ng mga batas ukol sa national council licensure examination for nurses, absentee voting, dual citizenship at anti-human trafficking in persons act. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

News Release

MGA SULIRANIN SA PANGINGIBANG-BANSA TINALAKAY NG CFOs

SORSOGON PROVINCE (Feb 8 – Hitik sa mga impormasyon at makabuluhan ang naging talakayan sa isinagawang press briefing ng Commission on Filipinos Overseas sa mga kinatawan ng media dito sa Sorsogon noong nakaraang linggo.

Sa pangunguna ni Cindy San Pedro at Geronico Herrera, kapwa IEC program officers ng Commission on Filipinos Overseas, naabot nito ang kanilang layuning maipaalam sa mga kasapi ng media ang mga pangunahing suliraning kinakaharap ng mga Pilipinong nangingibang-bansa, ito ay upang maipaabot din ang impormasyon sa pamamagitan ng panulat at broadcast sa mga kababayan nating naririto pa ngayon subalit nagbabalak manirahan o magtrabaho sa ibang bansa.

Kabilang sa mga pangunahing suliraning tinalakay ay ang kawalan ng trabaho ng karamihan sa mga nangibang-bansa at ang pang-aabuso at diskriminasyon sa kanila ng mga dayuhan.

Ipinaliwanag nilang makabubuting mapag-aralan ng makailang-ulit ang pagbubuo ng desisyon at huwag hayaang buyuin sila ng mga kamag-anak o di kaya’y magpadala sa mga panlabas na karangyaang nakikita nila sa mga nag-aabrod partikular pagdating sa pag-aasawa ng mga dayuhan.

Ibinilang naman ang mga bansang Amerika, Japan, Australia at Korea sa mga top most destinations ng mga Pilipino.

Anila, ilan sa mga mabababaw na kadahilan ng pagpunta sa Korea ay dahil na rin sa impluwensya ng mga tele-nobelang ipinalalabas sa bansa, habang sa mga bansang Amerika, Japan at Australia ay lumalabas na pag-aasawa ng mga dayuhan sa pag-asang magkaroon ng marangyang pamumuhay ang nagiging mga kadahilanan.

Sa talakayan, lumabas din ang ilang mga rekomendasyong maaaring makatulong upang maiwasan ang mga biglaang desisyon ng pag-aabrod o paninirahan sa ibang bansa.

Ilan sa mga ito ay ang pagbabago ng ilang mga maling pananaw ng mga Pilipino, pagpapataas pa ng kamalayan ng publiko ukol sa moralidad at pagkakaroon ng higit na malapit na relasyon ng sarili sa Diyos.

Ayon sa mga kinatawan ng CFOs ito ang sa ngayon ay nais nilang matutukan kung kaya’t hinihingi nila ang tulong ng media upang maipaintindi sa publiko ang mga kadahilanang kadalasan ay siyang pinagmumulan ng mga suliraning kinakaharap ng mga Pilipinong naninirahan ngayon sa ibang bansa. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)