Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, May 26 (PIA) – Kahit papano ay nakahinga na ng maluwag ang mga Sorsoganon matapos na ideklara ng PAGASA na gumalaw at tumaas na ang coordinates ng bagyong Chedeng at lihis na ito sa Sorsogon.
Kaugnay nito, inaasahang magsisibalikan na rin sa kani-kanilang mga tahanan ang mga nagsilikas na mga residente kahapon na nagpa-umaga na sa mga evauation centers.
Matatandaang sa tala ng mga evacuees na nakalap ng PIA Sorsogon Information Center kaninang madaling araw, Sa brgy. Talisay dito sa Sorsogon City: 108 pamilya o 496 individuals ang nanatili sa Sorsogon Pilot Elementary School; 69 pamilya o 332 inviduals sa St. Louise de Marillac College of Sorsogon habang 15 katao naman ang nanatili sa Mateo Apartment.
May mga evacuees ding naitala sa bayan ng Barcelona at Juban lalo na sa Brgy. Lajong at Binanuahan subalit hindi pa sila naglabas ng pinaka-eksaktong bilang ng mga nagsilikas.
Wala ding naitalang mga pagbaha, mudflows at landslides dito hanggang sa kasalukuyan. Subalit patuloy pa ring pinag-iingat ng mga awtoridad ang mga residente lalo pa’t patuloy pa rin ang mga mahinang pag-uulan dito simula pa kagabi.
Samantala, sa inilabas namang tala ng Philippine Coast Guard Sorsogon City Station ng mga strandees as of 10AM ngayon: sa Matnog port - 4,567 passengers, 97 buses, 92 trucks at 36 light cars; sa Bulan port – 385 passengers, 9 buses at 6 trucks habang 200 passengers naman ang stranded sa Pilar port.
Ayon kay PCG Sorsogon City station commander LtJG Ronnie Ong, inaasahan na nilang tataas pa ang bilang ng mga strandees habang nananatiling nakataas ang public storm signal sa Sorsoogn kaugnay ng bagyong Chedeng. (PIA Sorsogon)