Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, May 18 (PIA) – Bilang
paghahanda sa pagbubukas ng klase para sa pasukan ngayong 2012-2013,
magsasagawa ang Department of Trade and Industry (DTI) ng pag-iikot sa mga
barangay kung saan manginginabang ang mga residente sa mahigit sampung mga
barangay sa lungsod ng Sorsogon particular sa distrito ng Bacon.
Ayon kay DTI Sorsogon Provincial Director
Leah Pagao, tinagurian nila ang nasabing aktibidad na “Diskwento Caravan: Balik
Eskwela Edition”. Ang dalawang araw na pag-iikot sa mga barangay ay gagawin
nila sa ika-23 at 24 ng Mayo, ngayong taon.
Kaugnay nito nanawagan ang pamunuan ng DTI
Sorsogon sa mga magulang at mag-aaral na samantalahin ang caravan na ito upang
makakuha ng malalaking diskwento sa mga ipagbibiling kagamitan sa paaralan at
mga pagkaing maaaring maiimbak at gawing pambaon ng mga mag-aaral.
Ayon pa kay PD Pagao, nakipag-ugnayan na
rin sila sa mga opisyal ng barangay para sa malawakang pagpapakalat ng
impormasyon sa mga residente at maging sa mga tanod ng barangay para sa
mapayapa at maayos na pagsagawa ng aktibidad.
Dagdag pa ni PD Pagao na upang mabigyan ng
mas mahabang oras ang mga mamimili, ilang mga barangay lalo na yaong mga
maliliit na barangay ang pinagsama-sama na lamang nila sa mas malaking barangay
kung kayat panawagan din ng opisyal na ngayon pa lamang ay makipag-ugnayan na
ang mga ito sa kanilang opisyal sa barangay upang malaman ang maliliit pang detalye
ukol sa kung paano silang makakabili ng mga produktong may diskwento.
Sa ika-23 ng Mayo, iikot ang Diskwento
Caravan sa barangay San Roque, Maricrum, Balete, Cabarbuhan, Poblacion at
Caricaran, habang sa ika-24 ng Mayo ay iikot naman ito sa mga barangay ng
Bonga, Salvacion, Sugod at Bon-ot.
Kabilang sa mga malalaking
establisimyentong lalahok sa caravan ay ang Liberty Commercial Center (LCC),
Centro Department Store, Jeanees Department Store and Supermart, Duka
Enterprises, Lucky Educational Supply at Goodluck Commercial. May kanya-kanya
ring mga kinatawan ang bawat establisimyentong kalahok upang magabayan din ang
mga mamimili. (BArecebido, PIA Sorsogon)