Tagalog News Release
SORSOGON CITY – Tatlong Special Education (SPED) Teachers ang ipinadala ng Sorsogon City Schools Division sa lungsod ng Naga upang dumalo sa isinagawang serye ng Seminar Workshop on SPED teachers.
Dalawa sa tatlong guro ay mula sa Sorsogon East Central School habang ang isa naman ay mula sa Sorsogon National High School.
Ipinadala ang nasabing mga guro upang magsanay doon at maiangat pa ang antas ng kanilang kaalaman sa pagtuturo at paghawak sa mga batang may espesyal na pangangailangan.
Sa pamamagitan ng Rotary Club of Naga at sa pakikipagtulungan ng College of Education of De la Salle university at ng lokal na pamahalaan ng Lunsod ng Naga ay naisakatuparan ang nasabing seminar na sa ngayon ay isinasagawa sa Naga Youth Center, Naga City.
Sinimulan ang tatlong araw na unang yugto ng nasabing workshop kahapon na magtatagal hanggang sa Sabado, Jan 22. Nakatakda naman ang pangalawang module sa Pebrero 11 hanggang 13, habang ang pangatlong module ay sa Marso 10 hanggang 12 ng taong kasalukuyan naman gagawin.
Sa DepEd Memorandum Order No. 164 series of 2010, dapat na tapusin ng tatlong guro ang three-quarter modules upang hindi sila madisqualify sa nasabing seminar at mabayaran din sila ng kaukulang halaga ng pamasahe at iba pang gastusin sa training.
Pagkatapos ng three-quarter modules ay kinakailangan nilang magsumite ng kopya ng kanilang action plan sa kanilang school heads, schools division superintendent at DepEd regional director. Kinakailangan ding maipatupad nila ang ginawa nilang action plan sa lugar kung saan sila nagtuturo. (Jun Tumalad, PIA Sorsogon)