Monday, January 17, 2011

PHO PINAG-IINGAT ANG PUBLIKO SA MGA SAKIT NA DALA NG PAG-UULAN NGAYON; HEALTHY LIFESTYLE IKINAKAMPANYA PA RIN


SORSOGON PROVINCE – Mahigpit ang panawagan ng pamunuan ng  Provincial Health Office sa publiko na mag-ingat sa lahat ng uri ng sakit na maaaring dalhin dala ng sunud-sunod na mga pag-uulan ngayon.

Kabilang sa mga sakit na pinaiiwasan ay ang sipon, ubo, lagnat, pneumonia, diahrrea, alipunga at iba pang mga sakit dala din ng baha.

Ayon sa PHO, ang personal na pag-iingat pa rin ang pinakamabisang sandata sa mga panahong tulad nito.  Dapat din anilang palakasin ang immune system lalo ng mga bata sa pamamagitan ng pagkain ng mga masusustansyang pagkain at palagiang magbaon ng mga pananggalang sa ulan at proteksyon sa baha.

Samantala, halos 40% naman sa mga pasyenteng dinala sa pribadong ospital dito sa lungsod noong nakaraang holiday season ay pawang nakaranas ng mga pagkahilo at pagtaas ng presyon ng dugo.

Ayon sa pamunuan ng ospital, kadalasang ang pagkain ng matataba at yaong matataas ang kolesterol ang sanhi ng mga idinaraing na kaso ng mga pasyente.

Ayon pa sa kanila, inaasahan na nilang tataas ang bilang ng mga kokonsulta sa kanila na makararanas ng ganitong sintomas lao pa’t marami pa ring mga mamamayan dito ang matitigas ang ulo at mahina ang disiplina o kontrol pagdating sa pagkain.

Payo ng mga ito na maging moderate lamang sa pagkain ng mga mamantika, matataba , matatamis at matataas ang kolesterol na pagkain hindi lamang sa panahong may mga selebrasyon kundi sa lahat ng araw upang mamantini ang kalusugan.

Dapat din anilang mantinihin ang healthy lifestyle na halos ay ilang taon na ring ikinakampanya ng Kagawaran ng Kalusugan hindi lamang dito sa lalawigan kundi maging sa buong mundo.

No comments: