Wednesday, April 20, 2011

Mga residente sa Sorsogon takot pa ring kumain ng seashells


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, April 20 (PIA) – Sa kabila ng pagkakaalis ng shellfish ban dito sa Sorsogon, ilang mga residente pa rin dito ang naghayag ng takot sa pagkain ng seashells galing sa Sorsogon Bay partikular na ang tahong.

Ayon sa ilang mga kunsumidor dito, ikinatutuwa nila ang pagiging negatibo na ngayon sa red tide toxin ng Sorsogon Bay subalit mas nanaisin pa rin nila diumanong maghintay ng mas mahabang panahon bago tuluyang kumain nito sa takot pa ring baka bigla na namang magpositibo sa Paralytic Shellfish Poisoning ang mga seashells galing sa look ng Sorsogon.

Mula noong 2006, ilang ulit na ring naalis ang shellfish ban at ilang ulit ding muling ipinatupad dahilan sa pabalik-balik na red tide contamination ng Sorsogon Bay.

Matatandaang halos ay isang buwan na ring red tide-free ang 198-square kilometer na look ng Sorsogon matapos itong ideklara ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources noong March 21, 2011.

Sa kabila nito, patuloy din ang paalala sa publiko ng mga awtoridad dito na maging maingat pa rin sa pagkain ng mga laman-dagat sa pamamagitan ng paglilinis dito ng mabuti at tiyaking hindi bilasa ang mabibili sa mga naglalako at mga pamilihan. (PIA Sorsogon)

Paglalagay ng CCTV camera sa mga business establishment inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan ng Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, April 20 (PIA) – Tuluyan nang naaprubahan ng konseho ng Sangguniang Panlalawigan dito sa Sorsogon noong Lunes, April 18, ang isang resolusyon na oobliga sa lahat ng mga business establishments dito na maglagay ng security camera sa loob ng kanilang lugar pangnegosyo.

Sa resolusyong pinamagatang “Resolution requiring all business establishments to install security cameras within their respective business premises” na inakda ni provincial board member Arnulfo Perete, nakasaad dito na nahihirapan ang mga kapulisan, ahensya ng pamahalaan at iba pang mga awtoridad na malutas ang krimen dahilan sa kawalan ng pagkakakilanlan ng mga suspek.

Ang paglalagay umano ng security camera sa mga istablisemyentong pangnegosyo ang isa sa mga nakikitang paraan ng mga awtoridad nang sa gayon ay mas madaling matiktikan at agarang masolusyunan ang mga kasong tulad ng panghoholdap o pagnanakaw sa mga business establishments.

Kabilang sa mga business establishments na inoobligang maglagay ng security camera ay ang mga bangko, department stores, groceries, hotel, resorts, at iba pang mga kahalintulad na establisimyento. (PIA Sorsogon)





Tuesday, April 19, 2011

Butanding Festival opisyal nang magsisimula sa April 24

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, April 19 (PIA) – Pagkatapos ng selebrasyon ng Semana Santa ay opisyal namang bubuksan ng lokal na pamahalaan ng Donsol ang Butanding Festival 2011.

Sinabi ni Municipal Councilor at Committee Chair on Tourism Ronald Malilin na sisimulan ang Butanding Festival na dating kilala sa tawag na Aribada Festival sa Abril 24 hanggang sa Abril 30 kung saan nakalinya ang iba’t-ibang magagandang mga aktibidad.

Kabilang dito ang parada ng mga replica ng Butanding habang patuloy pang isinasagawa hanggang sa kasalukuyan ang photo exhibit ng mga professional photographers kung saan tampok ang magagandang tourist destinations at historical spots sa Donsol tulad ng Catundolan, Punta Waling-waling, Mangrove plantation at Firefly watching sa gabi.

Magkakaroon din aniya ng Bikini Open at Search for Ms. Butanding Festival 2011.

Ayon kay Malilin, inaasahan nilang dadagsain ang kanilang festival lalo na’t nataon pa ito sa panahong kadugtong ng Semana Santa.

Ito na ngayon ang ika-11 taon ng pagdiriwang ng Butanding Festival. (PIA Sorsogon)



“Oplan Ligtas Dagat”sa Sorsogon City ipatutupad


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, April 19 (PIA) – Dalawang trak at isang ambulansya ang ilalagay ng Bureau of Fire Protection Sorsogon City sa pamumuno ni City Fire Marshal Chief Inspector Renato Marcial sa Bacon Beach ngayong darating na Black Saturday, April 18, 2011, upang matiyak na agarang marerespondehan ang mga ekskursyunistang mangangailangan ng tulong o di kaya’y sa panahong may emerhensya.

Ang nasabing “Oplan Ligtas Dagat” ay isang joint project ng BFP, Philippine National Police (PNP) at Phiippine Coast Guard (PCG) kung saan taunan na nilang ginagawa ito.

Sinabi ni Marcial na ipapadala niya ang kanyang mga skilled personnel upang makapagbigay ng tulong sa mga beach goers at matiyak ang kaligtasan ng mga ito.

Ayon kay Marcial sa mga panahong ganito ay nakahanda ang kanilang team upang magbigay ng medical at rescue services sakaling may mangailangan.

Ginagawa nila umano ito bilang bilang bahagi ng pinalawak na mandato ng kanilang tanggapan sa pagbibigay serbisyo publiko upang matiyak ang kaligtasan ng mga komunidad.

Sinabi ni Marcial na maliban sa madalas nilang paalala sa publiko na maging alerto at safety conscious sa tuwing pupunta sa mga beach, pinaalalahanan din niya ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak lalo na’t kadalasang kapabayaan ang nagiging ugat ng mga aksidente.

Maliban dito ay inihayag din ng opisyal na iallagay nila ang kanilang Sub-station I sa Bacon Church upang magbigay ng medical assistance sa mga taong sasabay sa prusisyon sa darating na Biyernes Santo.  (BFP/PIA Sorsogon)



Publiko pinag-iingat sa mga summer illnesses

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, April 18 (PIA) – Mas pinaigting pa ng mga awtoridad sa kalusugan dito ang kanilang panawagan sa publiko na pag-ibayuhin pa rin ang pag-iingat upang maiwasan ang mga sakit na dala ng mainit na panahon tulad ng sore eyes, tigdas, alta presyon, heat stroke, kuri­kong at iba pang sakit sa balat, gayundin ang sipon, asthma at iba pang sakit na may kaugnayan sa mainit na panahon.

Ayon kay Department of Health – Provincial Health Team Dr. Noli Arevalo, kinakailangang huwag magbabad sa init ng araw lalo na ang mga maliligo sa dagat mula alas-onse ng umaga hanggang alas-tres ng hapon dahil ito ang oras na talagang matindi ang init ng araw.

Sinabi din niyang mas makabubuting kapag galing sa labas at mainit na lugar ay huwag munang iinom ng tubig na may yelo upang maiwasan ang heat stroke.

Nagpaalala naman si Provincial Veterinarian Dr. Enrique Espiritu na hindi lamang ang kalusugan ng tao ang dapat na pag-ingatan kundi maging ang mga hayop man sa panahong mainit ang panahon.

Patikular aniyang dapat na pag-ingatan ang mga manok kung saan ang matinding init lalo ngayong buwan ng Abril ay maaaring magdala din ng heat stroke at pagkabansot ng mga ito.

Pinaalalahanan din niya ang mga nag-aalaga ng hayop na tiyaking mayroon itong magandang tirahan at nababantayan ang pagpapainom ng tubig dito upang maiwasang magkasakit ang mga ito. (PIA Sorsogon)