Tagalog News
SORSOGON PROVINCE (Nov. 24) – Patuloy pa rin ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection partikular sa bayan ng Irosin sa pagsasagawa ng mga paglilinis sa mga kalsada.
Ayon kay Senior Inspector Prospero Deona, hepe ng BFP Irosin, natapos na nilang linisin ang mga kalsada sa barangay Mombon, Gulang-gulang, Tinampo at Bolos partikular ang Maharlika Highway.
Ayon kay Deona, kinakailangang malinis agad ang mga abong nakakalat sa mga kalsada sapagkat lubhang mapanganib ito sa mga motoristang dumadaan dito.
Aniya, nakatakda din nilang i-flushing ang mga mga punong-kahoy, halaman at mga bubong ng mga paaralan upang hindi ito maging mapanganib sa mga residente lalo na sa mga batang mag-aaral.
Matapos diumano ito ay tututukan naman nila ang paglilinis sa Barangay Cogon upang ihanda ang lugar sa pagbabalik ng mga evacuees na may mga sakit at mahihinang pangangatawan na hanggang sa kasalukuyan ay nasa evacuation center pa.
At kung hindi rin aniya umulan sa mga susunod na araw, mapipilitan na rin silang diligan ang mga pananim at damong pagkain ng mga alagang hayop ng mga residente upang maiwasan ang mas lalo pang malaking perwisyo sa kabuhayan ng mga residente na naapektuhan ng aktibidad ng Mt. Bulusan. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)