Thursday, March 10, 2011

Bayan ng Juban at Irosin nakatanggap ng tulong mula sa Vietnamese Philanthropist

Tagalog News Release

Sorsogon City, March 10, (PIA) – Matapos na makipag-ugnayan sa tanggapan ni Sorsogon Governor Raul Lee ang grupo ni Supreme Master Ching Hai, kilala sa buong mundo bilang isang spiritual leader, artist at humanitarian, pormal nang ipinamahagi noong Martes sa mga bayan ng Juban at Irosin ang relief assistance mula sa mga ito.

Matatandaang una nang sinadya ng grupo na kinabibilangan nina Lin Hsu-O, Carol Chan, Younghun Han at Rosean Villoner nitong nakaraang Lunes, March 7, ang tanggapan ni Provincial Management Office (PMO) Executive Director Sally Lee upang talakayin ang mga hakbang kaugnay sa gagawing relief operations.

Mismong ang Provincial Disaster Risk Management Office (PDRMO) personnel na ang namili ng mga ipamamahagi sa mga pamilyang naapektuhan ng mga kalamidad sa Juban at Irosin na kinabibilangan ng bigas, sabon at mga sangkap sa pagluto.

Nabiyayaan  ang daan-daang mga pamilya mula sa barangay Ranggas, Catanusan, Sipaya, Taboc, Catanagan, Guruyan, Embarcadero, Binanhuan at Beriran sa bayan ng Juban at barangay Gulang-Gulang, Macawayan, Monbon, Tinampo, Gamapia at Tungdol sa bayan naman ng Irosin.

Pinamahalaan ng mga Local Government Units (LGUs), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) at Municipal Social Welfare and Development (MSWD) ng dalawang bayan pamamahagi ng mga relief assistance sa kani-kanilang mga barangay.

Sinabi ni SPDRMO head Jose Lopez na bahagi pa rin ito ng paglalaan ng mga serbisyong pang-emerhensya at saklolo pagkatapos ng isang sakuna bilang pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga naapektuhan, ayon na rin sa ipinatutupad na DRRM Act 2010.

Tumulong din sa paghahanda ng isinagawang relief operations ang Provincial Social Welfare and Development (PSWD), Provincial Engineer’s Office (PEO) sa ginamit na sasakyan at mga inmates ng Sorsogon Provincial Jail (SPJ) na tumulong sa paghakot ng mga ipapadalang panaklolo sa mga napinsala ng mga nagdaang kalamidad.

Ang Vietnamese leader na si Master Ching Hai ay kilala ring tagapanguna sa lipunan ngayon sa paghahayag ng saloobin hinggil sa isyu ng climate change. Isa rin itong bantog na vegetarian at nanguna sa pandaigdigang kampanya na “Be Veg, Go Green, Save the Planet”. (BARecebido, VLabalan, PIA Sorsogon)

No comments: